Bubungang Langit
ni Ysip I. Malaya
(para sa mga patuloy na nangangarap makauwi)
Kanina ko pa
napansin na tinititigan mo ang lata ng
Coke na hawak ko. Inalok kita. Umiling
ka, sabay hugot ng boteng lapad mula
sa jacket mong niluma na ng panahon. Nilagok
mo nang walang abog ang laman ng boteng iyon . Pinahid ang nabasang
labi at muling isinuksok ang bote sa iyong jacket. Di mo pa rin inalis
ang pagkatitig mo sa lata ng coke ko.
Mataas ang araw noon.
Ilan tayong nakagala sa plaza. Namamahinga lang ako. Mahaba-haba
rin ang layo nung opisinang inaplayan ko sa hintayan ng bus. Malayo
ka pa ay narinig ko na ang ingit ng gulong ng kariton mong kalawanging
bakal na diko alam kung saang supermarket mo nakuha. Maybalumbong mga lumang
damit, mga piniping lata ng soda, mga gula-gulatay na kariton, lumang dyaryo,at
kung ano-ano pang alam kong galing sa basura. Alam kong sa karitong iyon
umiikot ang buhay mo.
Humugot ako ng ilang
barya sa bulsa. Inabot ko sa iyo ',yon pero itinuro mo ang latang hawak
ko. '', No can .....Coke.' Nagkatitigan tayong dalawa. 'Pilipino
ka? tanong mo. Nung una, akala ko Chicano ka. Akala ko walang Pilipinong
tulad mo sa Amerika.
''Bagito ka?'' tanong
mo uli. Magdadalawang linggo na ako sa Amerika. Natawa ka.
Sabi mo' y magsa-sampung taon ka na. Sa National City
ako nakatira. Umikot na nang nakadipa ang dalawa mong kamay.
''Dito,dito ako nakatira! Walang pader, walang kusina, walang kubeta.
Puro sala. Ang bubungan ko'y langit, ang himlayan ko'y lupa...
Wala ka bang pamilya?
Anak? Asawa? Doon nag-simulang namanglaw ang iyong mga mata.
''Wala akong balak na pumunta
dito noon. Kuntento na ako sa San Isidro. Kaya naman kaming buhayin ng
mga pinitak ko. Kahit si Cedes ko ayaw dito. Tatlo ang anak namin ni Cedes.
Si Nardo ay pinalad na mapasok sa Ne-bi. Malaki ang iniluwag ng hininga
ko noon. Yung singkwenta dolyar na padala niya buwan -buwan ang panustos
ko sa pag-aaral nina Buboy at Betty sa Menila. Mataas ang pangarap ni Buboy
ko. Gusto nuong mag-abogado. Mahusay ang utak ng batang
iyon. Matataas ang marka. Palagay na sana ang loob ko noon. Hindi
bale nang di makatapos si Betty. Tutal babae naman iyon. Di maglalaon mag-
aasawa rin. Pero si Buboy ko, kapag naging abogado eh tiyak
na maaahon kami sa hirap.
Isang araw,
umuwi si Buboy ko galing Menila. Alam kong may bumabagabag sa kanya
nuon. Kinausap ko siya nang masisinan. Akala ko'y kinakapos
lang sa pabaon ko. Sabi niya ay titigil na raw siya sa pag-aaral. Tutol
ako. Sinong ama ang di nangangarap na makatapos ang anak? Sabi niya
ay may iba siyang ibig tahakin. May iba pa bang landas na dapat tahakin
kundi ang landas ng karunungan? Iba ang pananaw sa buhay ni Buboy
ko. Ang karunungan daw ay hindi lamang sa loob ng paaralan
nakukuha. Higit daw ang karunungang napupulot sa lansangan.
Hindi matapos-tapos ang pagtatalo namin noon. Hinipan ko na ang gasera
ay di pa rin siya umaalis sa tabi ng bintana para mahiga. Nakatanaw
sa malayo.
Kinabukasan
ay hindi ko na nagisnan ang bunso ko. Nag-iwan ng kapirasong sulat.
Sabi niya ay handa na raw siya para sa mundo. Pero hindi niya alam
kung handa na ang mundo para sa kanya.
Matagal na hindi
kami sinipot ni Buboy. Lagi na ay nakikita ko si Cedes na nasa may
bintana. Hinihitay ang kanyang bunso. Pasasaan ba't sa sariling pugad
din uuwi ang mga ibon?
Minsan ay umuwi
si Buboy. May dalawang kasamahan. Halos pabulong kung magsalita.
Gutom na gutom sila. Nang tanungin ko naman kung saan galing ay hindi,
kumibo. ''Ano bang pinag-gagagawa mo? '' ika ko. Ang
sagot eh, ''Para sa inyo ito Tatang, sa lahat ng mga magsasakang inagawan
ng lupa. Sa masang pinagkakaitan ng mga naghaharing uri. ''Hindi
ko mawari kung ano ang pinagsasabi ng anak ko. Igigiit ko sana ang
tungkol sa pag-aaral niya pero pinigilan ako ni Cedes.
Tulad ng dati,
hindi ko na nagisnan si Buboy, pati na ang kanyang dalawang kasama.
Matagal na hindi siya nagpakita. Wala man lang sulat o pasabi. Hanggang
isang araw ay dumating ang dalawa niyang kasama noon. Wala si Buboy ko.
Napatay raw sa isang engkwentro sa militar. Unti-unting namuo sa
dugo ko ang poot ng galit. Putng-ina nila! Bakit si Buboy ko?
Bakit ang bunso ko pang minsa'y nangarap maging manananggol?
Hindi na namin
nakita pa ang bangkay ng anak ko. Sabi ng mga kasama niya naghukay
sila doon sa bundok na naging libingan niya. Hindi raw naming pwedeng
puntahan dahil pinamugaran na ng militar . Mahigpit ang yakap ni
Cedes doon sa bag ni Buboy na dala ng mga kasamahan niya. Pilit na
inaaninag ang bakas ng anak na nilamon ng dilim.
Di
naglaon ay nag-asawa si Betty. Naaprubahan din ang pitisyon namin.
Baka kako dito ay makalimot si Cedes. Mabigat saloob ko nang
iiwan namin ang San Isidro, di lang dahil sa mapait na ala-alang
iniwan ni Buboy kundi dahil din sa mahirap iwanan ang kubong naging
saksi sa pagsasama naming mag-anak.
Akala
ko'y lilipas ang panahon at mapapalagay din si Cedes. Kako'y ,pupunuan
din ni Nardo ang puwang na iniwan ng bunso namin. Pero nalimutan
ko na ang tao nga pala ay nagbabago. Nagbago na ang panganay namin. Mahirap
pang pakisamahan ang manugang namin. Palibhasa ay dito na lumaki
kaya kanluranin ang asal. Parang ibang tao ang turing sa amin
ni Cedes.
Unti-unti ay
iginupo ng karamdaman si Cedes ko. Nang madala sa ospital ay
malala na. Kasabi-sabi pa ni Nardo ay di na nga raw kami nakakatulong
ay nagiging pabigat pa. Pabigat ba ' yong kami ang taga- pag-alaga
ng mga anak nila kapag nasa trabaho silang mag-asawa? Si Cedes ang
tagapagluto at ako naman ang taga linis. Sinisilbihan pa sila ni Cedes
tuwing kakain silang mag-asawa. Nito na nga lang huli ay nanghina
na 'yung tao dahil me nararamdaman na pala ay di pa nagsasabi.
Hindi na halos
makapagpaalam si Cedes. Ang tanging nabanggit bago nalagutan
ng hininga eh ang pangalan ng bunso niya. Hiniling ko noon kay Nardo
na iuwi namin ang bangkay ng ina niya at ako nama'y sa San Isidro
na lang kako maghihintay ng oras ko. Mahal daw ang pamasahe
ng patay sa eroplano. Ako na lang daw ang umuwi. Hindi ko maiiwan
si Cedes ko.
Nang lumaon ay
ako naman ang nagpahinga. Minsan ay nakita akong sumusuka ng
dugo ng manugang ko. Nagtalo silang mag-asawa sa silid pagkatapos noon.
Narinig kong dadalhin daw ako sa narsing hom. Di ko na hinintay na
sikatan pa ng araw sa bahay na 'yon.
Ah, ang anak
ng naman. Makakaya ng anak na magtakwil ng magulang, pero kailanman
hindi kayang itakwil ng magulang ang anak.
Noon lang ako
muling natauhan. Nadala ako sa kwento mo. Hindi ko lubos maisip kung paanong
naging mapait ang katapusan ng isang kwento gayong sinimulan ito
ng masaya.
''Kung mauuwi
ka sa atin, baka maligaw ka sa San Isidro. Paki sulyapan mo ang kubo
ko. At kung madaan ka sa kapilya, ipagtulos mo ng kandila si Buboy
at si Cedes ko.''
''Bakit hindi
kayo bumalik sa anak ninyo?''
''Ku, para
sa ano? Eto't malaya ako rito. Napakalaki ng bahay ko.
Mula sa kantong iyon hanggang doon sa kabilang poste. Dito
na lang ako. Dito na rin siguro darating ang oras ko.
Kapag ipinikit ko na ang mga mata ko, kukulubungan ako ng mga ulap.''
Nang sumakay
ako ng bus ay itinulak mo na rin ang kalawangin mong kariton. Unti-unti
nang ikinubli ng mga ulap ang araw. Unti -unti na ring sumisilip
ang mga bituin. Ang bubungan mong langit ay dahan-dahang nilalamon
ng dilim.
Sana, balang
araw muli kong makita ang daan pabalik sa atin....
Top
|