Nora Aunor Tribute Website
Mandy L. Diaz, Jr.
from an email sent by Nestor
Himala

by Armando "Mandy" Diaz Jr.

Inilagay ko sa aquarium ang sapatos ni Ate Guy. Katerno ito ng kanyang gown na hiningi ko, outfit niya sa isang Caribbean number sa Superstar. Sinisimbolo ng sapatos ang kanyang pagiging Cinderella. Hindi ba si Nora ang Cinderella ng Philippine showbiz? Mabago man ang lahat sa takdang oras, mananatili ang sapatos na tanging siya lamang ang makapagsusuot— na nakalaan para lamang sa kanya. Sa aquarium—dahil sinisimbolo nito ang tubig. Hindi ba sa pagtitinda ng tubig sa istasyon ng tren nagsimula si Ate Guy?

May himala sa bawat araw na dumaraan. Paano ba maipapaliwanag na binubuhay ako ng pagmamahal ko kay Ate Guy? Kahit ako, hindi ko maipaliwanag kung bakit ko siya minahal nang ganito. Hindi ba ito isang uri ng himala? Hindi ko alam kung anong magic meron siya. Bukod-tanging siya ang minahal ko nang super-to-the- max.

Tuwing umaga, pagkagising nagdarasal muna ako. Pagkatapos nagpapatugtog ako ng mga kanta ni Nora para maging maayos ang buong araw. Kapag nalulungkot ako, at sa mga araw na maraming problema, nakikinig lang ako ng mga awit ni Nora, gumagaan na ang loob ko. Kapag masama ang pakiramdam ko, binubuklat ko lang ang album ng mga larawan ni Ate Guy, lumalakas ako. Hindi ba ito himala? Langit sa akin kapag nakikinig ng mga awit ni Nora. Para akong sanggol na idinuduyan ng nanay ko.

Sa Araneta Coliseum pagkatapos ng "Gold" concert (May 2003), humahangos ang mga tao palabas. Yakap-yakap ko ang malaking picture ni Ate Guy. Nakita ko ang isang matandang nanghihina sa paglakad. Nilapitan ko siya.

"Inay, haplusin po ninyo ang picture ni Ate Guy para lumakas kayo," sabi ko.

Napangiti ang matanda. Hinaplos niya ang picture.

"Ay, lumakas nga ako," sabi niya.

"Iyan po ang nagagawang himala ni Nora Aunor," sabi ko.

Tawanan ang mga nakapaligid na tao.

Sa bahay, marami akong tinatanggap na bisita. Bago sila umalis, pinahahaplos ko muna sa kanila ang mga larawan ni Ate Guy para ligtas sila sa anumang sakuna.

Makikilala ang bahay ko dahil may malaking picture ni Ate Guy sa pinto at sa bintana. Sa labasan, ipagtanong mo lang kung saan si Nora Aunor, ituturo na nila sa iyo ang bahay ko. Minsan may isang matandang nagkrus nang mapadaan sa tapat ng bintana ko. Akala siguro ay imahe ng santo ang larawang naroon. Pero parang nagtaka siya. Nang lingunin uli ang picture, laking gulat niya nang makilalang si Nora Aunor pala iyon.

Kahit sa altar ng mga Poon sa bahay, may kasamang larawan ni Ate Guy. Hindi nawawala si Ate Guy sa aking dasal. Kapag may sunog sa lugar namin, una kong inililigtas ang mga collection ko ng Nora Aunor. Humihingi ako ng patawad sa Panginoon. Sinasabi ko: "Lord, makakabili po ako uli ng inyong mga rebulto kahit saan—sa Quiapo, sa Baclaran, kung saan-saan—pero hindi ko na po maibabalik ang mga Nora Aunor ko kapag nasunog."

Grade one ako nang magsimulang mag-ipon ng Nora Aunor. Bawat magasin o komiks na cover si Ate Guy, ginugupit ko at idinidikit sa coupon bond. Dahil wala pa akong pambili ng maraming coupon bond, hindi ko isinama sa clippings ang mga writeup; cover lang ang ginugupit ko. Palagi si Ate Guy sa cover ng mga magasin at komiks tulad ng Superstar Komiks, Kislap, Liwayway, Movie Special, Pioneer, TSS, Pinoy Classics, Filipino Reporter. Si Nora lang ang artistang bawat galaw ay ginagawan ng istorya. Pati pagpapakuha niya ng blood pressure, nagiging balita. Nagpagupit lang siya ng kuko, nasa cover na siya ng Kislap.

Huling dagdag sa koleksiyon ko ang orihinal na rolyo ng full trailer ng Naglalayag (2004)—kinuha ko sa sine. May pagkakataong nagtampo ako kay Ate Guy, pero hindi pa rin ako huminto. Itinabi ko lang sa isang kahon ang lahat ng naipon ko.

Bunso ako sa aming magkakapatid. Walking distance lang ang school sa amin. Kumakain ako ng marami sa bahay para hindi magalaw ang pera ko. Iba ang baon ko mula sa Ate Virgie ko, iba kay Ate Beth, iba kay Nanay, at iba pa kay Tatay—kaya nakakabili ako ng mga magasin. Hanggang ngayon, kapag walang-wala ako, nakakautang ako ng diyaryo sa suki ko. Noong araw, nagkaroon din ako ng paarkilahan ng komiks. Obssession ko na ito: kapag may nakita akong Nora, dapat magkaroon ako. Minsan pumipilas ako sa mga magasin sa mga beauty parlor. Nang maging endorser ng Dial soap si Ate Guy, sinuyod namin ang mga tindahan sa kahabaan ng 10th Avenue (Caloocan) para manguha ng mga poster ni Nora. Kasama ito sa mga memorabilia kong nakatago hanggang ngayon.

Isa sa mga pinanghihinayangan kong nawala ay ang koleksiyon ko ng jingles ng commercials ni Ate Guy. Palagi ko noong inaabangan ang "Guy and Pip Festival" sa programa ni Kuya Germs sa radyo, every Sunday, four to six p.m. Inire-record ko sa cassette tape ang mga komersiyal ni Nora. Kaya dapat sa akin ang radyo tuwing Linggo ng hapon. Isang beses, umaga pa lang, hawak na ng kuya ko ang radio-casette. Pinabayaan ko muna. Nagbilin lang ako na ako naman ang gagamit pagdating ng alas-kuwatro. Oras-oras, binabalikan ko siya para magpaalala. Pagdating ng alas-kuwatro, ayaw pa ring ibigay. Sa galit ko, ibinato ko sa kanya ang hawak kong cassette tape. Hayun, nabasag. Naroon ang rare commercial jingles ni Ate Guy.

Walking encyclopedia ng Nora Aunor ang tawag nila sa akin. Marami kasi akong natatagong trivia na bihira ang nakakaalam. Nasasagot ko ang mga tanong nila pero nahihirapan sila sa mga trivia ko. Saang pelikula sinagasaan ng tren si Nora Aunor? Ano ang titulo ng show kung saan unang umawit si Nora Aunor sa Araneta Coliseum?

Magbigay ka sa akin ng dialogue sa pelikula ni Ate Guy, sasabihin ko sa iyo ang titulo. ng pelikula. Kabisado ko ang leading men niya sa lahat kanyang pelikula. May sarili akong listahan ng awards ni Ate Guy. Kapag may nagsabing mas marami silang best actress award, tapatan nila ang listahan ko.

Marami ang nagsasabi na puwedeng ilagay sa museo ng Nora Aunor memorabilia ang aking koleksiyon. Kumpleto ako ng original layout ng lahat ng kanyang pelikula, 172 lahat, mula noong bit player pa lamang siya sa All Over the World (1967) hanggang sa Naglalayag. Forty-seven volumes na ang clippings ko, from 1967 to present. Naka-bookbind lahat. May orihinal na kopya ako ng biography na Superstar Nora Aunor ni Rustum Quinto. Marami akong albums. Ipina-frame ko ang aking kopya ng unang single ni Nora. Higit sampu ang photo album ko ng Nora. Meron akong colored posters ni Nora sa Liwayway. Meron akong collection ng still photos ng kanyang mga pelikula, hinihingi ko sa mga kaibigan ko sa mga sinehan.

Mula sa takilyera hanggang sa projectionist ng mga sinehan sa Caloocan, pinakisamahan ko. Naging mga kaibigan ko. Kaya nagagawa kong magpatugtog ng record ni Nora sa sinehan kapag intermission. Gusto kong marinig ng kabataan ang boses niya. Minsan pelikula ni Vilma ang palabas, nagpatutog ako ng Nora. Nagalit ang mga Vilmanian na nanonood, nagsumbong sa management. Bakit daw si Nora ang pinatugtog? Naroon ako noong magreklamo sila.

"Bakit, meron ba kayong ganyang boses?" sagot ko.

Lahat ng produktong inendorso ni Ate Guy, sinusuportahan ko. Kahit napkin. Paano? Ako ang runner sa bahay dahil ako ang bunsong lalaki. Ako ang pinabibili sa tindahan. Kapag nagpapabili ng napkin ang mga kapatid kong babae, Modess ang binibili ko. Napipilit ko silang iyon ang gamitin. Gatas namin dati Alaska. Nang kinomersiyal ni Ate Guy ang Liberty, lumipat kami sa Liberty. Nang uminon ng gatas ang tatay ko, nalasahan. Bulag ang tatay ko, malakas ang panlasa. Minura ako. "Ikaw talaga, basta si Nora," sabi sa akin. Bumili rin kami ng Philips radio. Hanggang ngayon Dial ang sabon namin sa bahay.

Nang inendorso ni Ate Guy ang Coke, uminon ako nang uminom ng Coke. Nang mag-Pepsi siya, high school ako noon, uminom naman ako nang uminom ng Pepsi. Naging hyperacidic tuloy ako.

Hindi lang ako nakapagbangko nang maging endorser si Ate Guy ng Security Bank. Wala kasi akong ipon. Lahat ng pera ko, inuubos ko kay Nora.

Kapag humihingi ang mga kapitbahay ko ng mainit na tubig para sa instant noodle, hindi ko binibigyan kapag hindi Super Mi.

"Kung brand ni Ate Guy ang binili ninyo, ipagpapainit ko pa kayo ng tubig," sabi ko sa kanila.

Kapag may pelikula si Ate Guy, araw-araw akong nanonood. Kahit napanood ko na, kapag may nakita akong kakilala, nagpapalibre pa ako.

Kapag nasa record bar, ipinapaibabaw ko ang mga CD at VCD ni Nora. Sinasabi ko ang saleslady na umorder ng marami.

Sa bus kapag tinatanong ng konduktor kung saan ako papunta, sinasabi ko: "Sa Nora Aunor Avenue. Nagtataka siya kung saan iyon.

Minsang nanalo si Ate Guy ng best actress, masayang-masaya kami sa bus pauwi. Tumayo ako sa harap at nagsalita: "Sandali ko pong hinihingi ang inyong atensiyon. Nais ko lamang pong ipaalam sa inyo na ngayong gabi ay nanalo na naman ng best actress award ang ating superstar na si Miss Nora Aunor."

Paborito akong hingan ng impormasyon kapag may special feature kay Nora ang iba't ibang magazines. Maraming beses na rin akong lumabas sa telebisyon bilang number-one fan ni Nora Aunor. Nakapag-guest na ako sa Tell the People ni Jullie Yap Daza. Na-feature ako sa Balitang K ni Korinna Sanchez at tatlong beses sa Extra Extra ni Paolo Bediones. Gayundin sa Etcetera ni Boy Abunda. Isa ako sa tatlong dakilang tagahanga na itinampok sa Pipol ni Ces Drilon. Na-interview na rin ako sa Mel and Jay at nakipagdebate sa Diretsahan ni Amy Perez. Isang taon na nag-research sa bahay namin si Dr. Patrick D. Flores ng Arts Studies Department ng UP Diliman. Pati mga kapitbahay ko, ininterbyu niya. Isa ako sa naging subject ng kanyang dissertation na Makulay na Daigdig: Nora Aunor and the Aesthetic of Sufferance. Isa rin ako sa naging mga paksa ng essay na "Devotion" ni Wilfredo Pascual. Nagkamit ito ng first prize sa English essay category ng Palanca (2004). Tinalo ng fan ni Nora Aunor ang fan ni David Bowie na nagpunta pa sa Amerika para panoorin ang concert ng kanyang idolo.

Minsan, may nagtanong sa akin: "Bayaran ka ba ni Nora Aunor?"

Dinuro ko. "Para malaman mo, ni singkong duling hindi ako tumatanggap kay Nora."

Hindi sila makapaniwalang may debotong katulad ko.

Tanong ng iba: "Alam ba ni Nora ang ginagawa mo?"

Hindi na kailangan. Kusang-loob ko itong ginagawa. Marami naman akong consolation. Nang dahil kay Nora Aunor, nagkaroon ako ng maraming kaibigan. Nariyan sina Ryan Gaerlan, Orlando Tabigue, Albert Sunga, Kuya Ompang, at Al Jimenez—mga totoong kaibigang nakasuporta, meron man ako o wala. Bago kong mga kaibigan ngayon sina Manny So, Noey Novoa, at Willi Pascual.

Hanggang pumikit ang mga mata ko, siguro si Nora Aunor pa rin ang nasa isip ko. Kung sakali mang mauna akong kunin ng Panginoon kaysa kay Ate Guy, ito ang mahigpit kong bilin: huwag akong ilibing habang hindi dumarating si Ate Guy. Kung kinakailangan nilang kaladkarin si Ate Guy para sumilip sa burol ko, gawin nila. Kung hindi, pagmumultuhan ko sila. At gusto kong panay Nora Aunor ang tugtog sa lamay at burol ko.

Kung sa Philippine showbiz, si Nora Aunor ang pinakamahalaga at pinakamalaking bituin, sa hanay ng mga tagahanga ako rin ang pinakanatatangi at nag-iisa. (From the book Si Nora Aunor sa mga Noranian: Mga Paggunita at Pagtatapat (Milflores Publishing, 2005)

*******

Nakahimlay ang katawan ni Mandy Diaz sa kanilang tahanan sa 10th Avenue, Caloocan City. Magpupugay sa kanya ang mga "kapatid" na Noranian sa darating na Biyernes, ika-6 ng gabi. Ihahatid siya sa kanyang huling hantungan sa June 15, Linggo, ika-8 ng umaga.

Nora Aunor Trivia by Mandy Diaz

Mandy Diaz Natatanging Noranian Video Clip