ALWYN C. AGUIRRE
Dalantao
THE AUTHOR HOLDS THE COPYRIGHT TO THIS STORY. THIS IS POSTED WITH PERMISSION FROM THE AUTHOR.
Baog ako.

Anim na buwan na sana yung nasa tiyan ko.

Nalaglag nung nakaraang linggo.

Mahirap ang magdalantao. Sa mga unang buwan pa lamang na alam kong di pa nagkakasapat na hugis ang sanggol sa aking sinapupuna’y, nakita ko na ang mumunti niyang pagsipa na bumubukol sa aking tiyan. Naramdaman ko. Ayaw niyang lumabas, ‘pagkat di rin naman niyang ninais pumasok.

Ma, gusto ko nang magkabeybi. Tapos nilabasan siya. Paano? Paano nga ba? Pagpatong niya, umariba siya. Ta’s, nilabasan. Paano? Paano ako mabubuntis? Paano nga ba?

Sinabi ko naman kay Mario ‘yon isang araw bago kami ikasal. Ayaw ko kasing sa araw mismo na nariyan nang lahat ng bisita at ang pari at nakatayo na ako’t naghihintay na pumarada papunta sa dambana, e, hindi niya ‘ko siputin. Pero, isang araw lang talaga ang inilaan ko upang ipagtapat ito sa kanya. Siguro sabi ng sub-conscious ko para maipit itong si lalaki at di masyadong mapag-isipan ang lahat.

Tumangu-tango naman siya. Wala raw sa kanya ‘yon. Hinalikan niya ako sa noo. Matanda yata ang tingin niya sa ‘kin. Di pa man nagme-menopause, e, natigang na.

Bigla ko tuloy naala’la ang nangyari nung araw ng kasal. Nang matapos na ang bendisyon at hahalikan niya na ko’y bigla kong naisip na ilabas ang pagkapilya. Paglapat ng aming mga labi’y, kinanti ko ang sa kanya-natatakpan naman ng mga tangan kong bulaklak ang bahaging ‘yon. Alam kong mabilis siyang manabik, kaunting hipo lang, bibigay na. Alam ko rin ang hitsura niya kung kinakati siya-parang nanlulumo ang mukhang medyo galit, at malalim ang paghinga, parang toro. Alam kong matatawa ‘ko sa oras na makita ko siya kaya’t tinangka kong pigilan ang paghalakhak hanggang kami na lamang. Pero sa kainan, di ko na nakayanan. Pa’no ba naman, nakatumba ang porselana sa ibabaw ng cake, sa isang posisyong tila patikim sa magaganap kinagabihan. Titig na titig si Mario na parang na-hipnotismo. Bigla, pinindut-pindot ko ang kanyang mga palad habang nakangisi. At sa gitna ng mga bisitang nakabilog sa amin, nagdespensa siyang pupunta sa palikuran upang umihi.

Natutuwa ako. Nakahiligan ko na kasi siyang panoorin habang nilalabasan siya sa loob ko. Bakit nga ba ganoon? Kailangang labasan ang lalaki sa loob ng babae? Tuloy, obligasyon ko ang tumanggap sa ilalabas niya at bahala ako sa pagdadala ng bata. Kasalanan ko pa ‘ata ngayon dahil di ako magkakaanak.

Mag-aanim na buwan pa lang kaming kasal. Sa loob ng anim na buwang ‘yon, halos araw-araw kaming nagsisiping. Kung susumahin, mga isang buwan lang kaming nagpahinga.

Ta’s, gusto na niyang magkaanak.

Ayaw ko pang mabuntis. Kahit na mabubuntis ako, ayaw ko pa sa ngayon. Gusto ko pa siyang masarili. Gusto ko pang masdang lagi ang pagkakakunot ng kanyang noo, ang pagpinid nang mahigpit ng talukap ng kanyang mga mata at ang paghuhugis ng mga labi niya na di malaman kung “o” o “a” sa tuwing magtatalik kami. Natutuwa talaga ‘ko sa hitsura niya. Kahit na ako, minsan lang maligayahan sa mga eksena namin sa kama.

Naging musika na sa aking pandinig ang mga halinghing ng aming pagtatalik. Sa kanya nakatuon ang aking pansin sa tuwing sisimulan niya ang pag-abot sa rurok ng aming gabi. Para ‘kong nakatunghay sa isang concierto classical. Madulas ang kanyang pasok-adagio. Suwabe ang melodyang panimula. Hanggang maging allegretto ang kanyang mga unang indayog-sapat ang bilis, madiin ang bawat bagsak, malaki ang pagitan ng bawat nota. Hanggang maging allegro ang allegretto. Dito, pati ako’y napapaindak. Mabilis ang ritmo na regular ang bagsak. At ang paglalapat ng aming mga katawa’y lilikha ng nagsasalpukang tunog na sasaliw sa malalim niyang paghingang paputol-putol, na sasanib sa pagtibok ng aking dibdib na pabilis. At sasabay ang buong paligid-ang kama, ang sahig, ang lampara, ang plorera, ang mga kurtina-sa pag-indak sa aming ritmong nililikha. Hanggang tahakin ang andantino ng direksiyon ng aming musika. Ang grand finale ay ang pag-abot niya sa huling nota. Ang musikang ito ang aalingawngaw sa tainga ng aking isipan kahit na ang buong paligid ay tumila na. At ito ang ihuhuni ko kinabukasan. Sasabayan ng imbay ng braso’t hakbang ng mga paa at magpapakalunod sa saliw ng musika ng pagnanasa.

Naala’la ko tuloy kung bakit natutunan kong maging kompositor sa mga pagkakataong ‘yon. Iyon kasi ang una naming gabi. E, di, nakaraos na siya. Pero bago pa man siya umalis sa pagkakapatong, may tila narinig akong mga munting tinig na nanggagaling doon. Di ko mawari ang sinasabi nung una, ayun pala’y umuusal lamang sila ng mga katagang tig-iisang pantig-um, ah, um. Waring hirap na hirap, parang may itinutulak o binubuksan na di matinag. ‘Saka ko natunton na ang pinagmumulan ng mga tinig ay mga reklamo ng kanyang mga binhi na di tuluyang makapasok sa akin. Nayayamot ako sa mga maliliit na boses na ‘yon-tila nangungutya. Kaya’t bigla akong nagkaroon ng husay sa paglalaro ng melodya sa tuwing magsasanib ang aming katawan.

Ma, magkabeybi na tayo.

Utos na ‘yon. Ta’s, saka siya natapos. Di ko alam ang itutugon ko nung pagkakataong ‘yon bagamat di naman yata nangangailangan ng tugon. Subalit, biglang lumuwa sa bibig ko-mag-ampon tayo. Ayoko. Buti na lang-ayaw ko rin. Ba’t ko sinabi? Kasi ‘kala ko gusto niya. Pakiramdam ko kasi ang laki-laki ng kasalanan ko sa kanya.

Noon pa ma’y inaasam-asam na niyang maging isang ama at lalaking naghihintay maging isang ama. Di raw makukumpleto ang buhay niya kung di niya mararamdaman ‘yon. Sabi niya gusto niyang maranasan ang pagiging lalaking may asawang naglilihi. Yung mangungulit at hihingi ng imposible sa hating-gabi. Yun bang seedless na pakwan at saging na pula. Kahit arte lang daw, ayos na. Natawa ‘ko. Naisip kong umandar na naman ang kanyang pagka-teatro. Nasasabik lang siguro siya dahil mula nang magtapos sa kolehiyo, ay di na niya naranasan ang muling umarte. Ako man. Lahat naman yata’y nagkaroon ng panaginip ng pagkabata na balang-araw ay maging sikat na artista. Kaya ko pa pala nagustuhan itong si Mario. Di man natupad ang pangarap kong umarte, ang lalaki naman sa buhay ko’y artista. Pumayag ako. Arte lang naman. Nagduduwal ako kinabukasan.

Brown-out no’n. E, madaling araw pa naman kung mag-almusal ‘tong si Mario. Maaga kasing palagi kung gumising. Napagaya na rin ako-nasanay. Ayan tuloy, ang dilim-dilim. Sinindihan niya ang lighter. Biglang-bigla, sa paningin ko’y tila lumiwanag ang daan papuntang kusina, at kung saan ko man gustong pumunta, basta nasa likod ko ang asawa.

Ewan. Nakikisabay yata ang pagkakataon sa palabas namin. Hindi kunwari lang ang pagsusukang ‘yon nang kumakain kami ng almusal, bagamat binalak ko talaga nung kinagabihan pa. Pero, maasim na kasi yung gatas na nabili ko. Hinimas-himas niya ang likod ko habag nakatungo ako sa lababo. Bigla, may umandap-andap na bumbilya sa may ulunan ko.

Nagpunta ako sa butika pagpasok ni Mario. Ta’s tinawagan ko si Elvie. Nagkita kami sa Jollibee, sa may Philcoa. Yun na talaga ang HQ namin noon pa. O, ano ‘yan? Tinanggal ko sa plastic. Haha! Para sa’n ‘yan? Kahit na anong gawin mong pag-ihi diyan, walang dalawang pulang guhit na lalabas. Alam ko naman ‘yon. Naisip ko nga si Kyle, e. Buntis kasi. Kaya lang di ba ang panghi-panghi ng ihi ng pusa. Baka kung ano pang isipin ng asawa ko. Ta’s di ko pa siya mahuli-huli, nakalmot pa tuloy ako sa may balakang. O, anong balak mo? Ihi mo na lang. Di ba-ilang buwan na nga ba ‘yan? Huwag mong ituro-turo, baka kung anong mangyari. Anon’ng mangyayari? May mangyayari pa ba, e, nangyari na. Baka mausog. Mas takot ka pa ngayon sa pamahiin, e, nung mabuntis ka di ka man lang kinabahan. Hindi naman pamahiin ‘yon, katotohanan. Hindi ‘yon bunga ng matatandang kaisipan. Nagbunga ‘yon dahil sinabi kong gusto ko. Kanino mo sinabi? Sa akin, sa sarili ko. Ano na nga ‘yong sinasabi mo-ba’t ka natigilan? Wala. Nawala yung sasabihin ko-lumipad. Nakatitig ako kay Jollibee. Buntis kaya siya?

Tuwang-tuwa si Mario nang makita niya ang dalawang pulang guhit kinagabihan. Pinaunlakan din kasi ‘ko ni Elvie. Sa CR, umihi siya sa baso ng sprite. Okey nga, nung nasa jeep ako, parang may hawak lang akong orange juice.

Hanggang sa naglihi na nga ako. Sa dalagang-bukid. Natakot nga ako. Naala’la kong bigla yung pinakita sa Eye to Eye. Yun bang babaeng nanganak ng dalag, ta’s, dalawang araw pa lang, namatay na. Natakot akong baka mamatay kaagad ang dalagang bukid na isisilang ko. Di pa nga ako bihasa sa pag-aalaga ng sanggol na tao, sanggol na isda pa. Pa’no ko yun pasususuhin?

Kumuha na rin ng katulong si Mario para raw di na ‘ko gumawa sa bahay. Maselan raw ang panganay. Natatawa ‘ko. Gusto kong ipaala’la sa kanya na isang palabas lang ‘yon. Pero, naisip kong baka masaktan siya. Gusto niya ‘yon.

Ayun, nakisakay na nga ‘ko nang tuluyan. Para malubos-lubos na, maghapon na lang akong humilata sa kama. Andiyan na naman si Laura-magaling pang magluto.

Kumain ng hilaw na manggang nilasing sa beer. Ayaw ko kasi ng bagoong-nasusuka ‘ko sa amoy. No’ng mga lumipas na araw, di lang ‘yon ang kinayamutan ko. Pati amoy ng asawa ko, ayaw ko na. Natutuwa naman siyang makitang nagdadaan ako sa proseso ng paglilihi. Nakikita na yata niya ang kaganapan ko bilang isang maybahay. O, ang katuparan ng kanyang pagkalalaki.

Nung mag-aapat na linggo na ‘kong nakahilata, pakiramdam ko nalimutan na ng mga buto ko kung papa’no kumilos. Di na rin kilala ng mga paa ko ang bawat baitang ng hagdan. Unang baba ko sa loob ng dalawang araw, umurong ang mga baitang pagkaaninag sa mga paang noon lamang nakita. Nahulog ako sa paanan ni Laura.

Nataranta si Mario pag-uwi. Mula no’n ay ayaw na niya ‘kong pakikilusin. Hindi dahil sa muntik nang pumutok ang ulo ko, kundi dahil panganay daw namin ang dinadala ko. Nagsimula akong mayamot. Pero naisip kong magsasawa rin siya.

Dalawang buwan na ‘kong buntis. Isang umaga paggising ko, nagulat akong nakapatong ang ulo ni Mario sa tiyan ko. Bahagyang uminit ang pakiramdam ko. Akala ko’y kinati na rin sa wakas-natauhan na. Di pa pala. Pinakikinggan daw niya ang beybi naming umiiyak. Nainis ako, pero parang natural na lumabas sa bibig ko, sandali na lang beybi, lalabas ka na rin-at bigla kong narinig ang impit na taghoy ng isang sanggol. Kalam lang ng sikmura? Nagitla ‘ko. Biglang tumalon sa kama si Kyle, ngiyaw! Napangiti ako. Nagitlang muli. Si Kyle ba ‘yon, o ang beybi niya? Ang beybi niya ba ‘yon o ang beybi ko? Nagkatinginan kami ng pusa.

Mag-aapat na buwan na. Nahihiyang na ‘ko sa pagbubuntis. Parang, enjoy din. Nakasanayan ko na ang paghilata sa kama, ang paggising nang tanghali, ang pagkain nang marami. Parang tunay ngang may kahati ako sa pagkain sa loob ko. Di ko alam kung nagkaro’n ng sariling bibig ang tiyan ko, o nagsabanyuhay-tao ito na siyang sanhi ng madalas kong pagkatakam sa mga kutkutin. O, kung nagawa nga ng isip ko na buhayin ang tigang kong lupa. Ang maglagak ng bata sa matris kong di nga malusutan ng mga binhi ng asawa.

Bumangon ako at tinangkang ayusin ang sarili. Nanabik na kasi ‘ko kay Mario. Magkakalahating taon na rin. Nagulantang ako sa nakita sa salamin. Namamaga ang aking ilong. Namamanas ang mga braso. Nakaumbok ang tiyan. Nakausli ang puwit. Hinubad ko ang bagong maternity dress na bulaklaking pula rin tulad ng iba pang maternity dress na binili ni Mario. Nanlaki ang mga mata ko. Kamukha ko na si Jollibee. Sinuot kong muli ang damit na nung una’y kinasusuklaman ko-ayaw ko kasi sa floral, pati sa matingkad na kulay. Nabalot na muli sa pula ang aking katawan. Tinitigan ko’ng muli ang aking kabuuan. Kamukha ko na nga si Jollibee. Noon ko na rin napuna, namumulaklak ang kuwarto ko.

No’n ko napagtanto na may dinadala nga pala ‘ko. Nagtaka ‘ko, pero natabunan ‘yon ng di pagkagalak.-nangungulila kasi ‘ko sa mga haplos ni Mario. Gugustuhin ko ring magkaanak sa nalalapit na panahon. Kahit di puwede. Pero, di pa ngayon. Pinakasalan ko si Mario dahil nung panahong sagutin ko siya, siya ang gusto ko at di ang kinabukasan namin na isang kumpletong pamilya. Pero, dapat akong matuwa, anak namin ‘yon. Yata. (?)

Nakumpirma kinahapunan. Bumisita kami kay Ma-an, ob-gyne, kaibigan ni Mario. Sinuri-suri niya ‘ko. Ayos naman daw ang pagbubuntis ko. Di na ‘ko nabigla. Maski na ako’y nabigla sa di ko pagkabigla. Iniabot pa nga niya ang stethoscope sa ‘kin para raw mapakinggan ko ang paghinga ng beybi ko. Di ko na kailangan ‘yon. Araw-araw kong naririnig ang tibok ng puso nito. Masarap pakinggan ang pintig ng buhay na nagmumula sa loob ko. Tiyak akong di ‘yon kalam ng sikmura. Di ko lang sigurado kung sa sanggol ‘yon nagmumula. Tinanggap ko pa rin ang instrumento at ngumiti. Tulad ng pagtanggap ko sa kababalaghang ito.

Napagbiruan din naming tatlo kung ano ang ipapangalan sa bata pagsilang. Ang gusto ni Mario ay Luisito kung lalaki. Sabi ni Ma-an na magandang pakinggan ang Isabel kung saka-sakaling babae. Sumabad ako sa isip ko, e, kung dalagang-bukid, puwede na ba ang Dyesebel? Natawa ‘kong bigla. Pinagtinginan nila ‘kong dalawa. Habang nagkukuwentuhan kami’y, pumapasok sa isip ko na kinuntsaba lamang ni Mario itong doktora. Ngunit nasasapawan ng tibok na nanggagaling sa ‘king sinapupunan ang mga hinala-biglang sumipa ang bata.

Kapapasok ng ika-anim na buwan. Sabado. May mga sariwang rosas sa lamesita-mahilig nga talaga sa bulaklak ‘tong asawa ko. Inaayos ko ang kama habang nakikinig sa himig ng pintig ng buhay ng aking sinapupunan. Napansin ko ang kakaibang bulaklak sa gitna ng napakaraming iba pa na limbag ng kubre-kama. Tiningnan ko ang bulaklakin kong saplot, meron din. Hinubad ko ito upang lalong makita ang ‘isang hiwaga. Nakita ko ang pulang dumadaloy sa aking hita nang ako’y tumungo-dahan-dahan, tuloy-tuloy, sumusunod sa bawat kurba, lumiko pagdating sa may tuhod, ginalugad ang alak-alakan, pumalibot sa aking binti, matingkad na pula, naglalakbay, payapa, walang patid, walang putol. Sandali akong nabulag, ngunit minulat din ng pula.

Nagtatakbo akong hubo’t hubad sa buong kabahayan, patungo sa labahan, nag-iiwan ng pulang bakas sa bawat madaanan-parang pulang ahas, parang pulang lasong nakapalibot sa paligid. Nakita ko ang kakaibang limbag na ‘yon sa kubre-kama at mga damit ko nung mga nakaraang linggo. Ang iba’y nasa labahan pa, ang iba’y nakasampay na. Pumasok si Laura, pagkakita niya sa ‘ki’y nagsisigaw siya nang nagsisigaw. Humangos si Mario at nang masaksihan ang pangyayari’y nagkatitigan kami. Binulyawan niya si Laura upang tumawag ng ambulansiya. Ito namang babae’y palahaw nang palahaw, nakunan si Ma’am, nakunan si Ma’am! Nagsigawan silang dalawa sa harapan ko habang ako’y dinudugo. Napangiti lamang ako. Dumaan ako sa pagitan nila kaya lamang sila natigilan. Naguhitan ko ng pula ang kanilang mga paa. At tinahak kong muli ang daang pula papuntang kuwarto, at ako’y naligo. No’n ko napagtanto na halos kalahating taon akong nawala sa aking sarili.

Di muna kami nagkikita ngayon ni Mario-mag-iisip daw muna siya sa mga nangyari. Pumayag ako. Kailangan ko rin namang bumawi sa sarili ko sa panahong nawalay ako sa kanya-kailangan ko ring magbawas ng timbang at isipin kung paano mabubura ang stretch marks na likha ni Kyle. Akala ko nga magsasampa ng annulment on the basis of psychological incapacity, infertile to be a mother of his children. Di mataba ang lupa ko. Ngunit, kahit di ako mabubuntis, habambuhay pa rin akong magdadalantao, dahil bitbit ko-palagi-ang aking sarili.

Si Laura, medyo nahimasmasan na. Subalit natutulala pa kung makikita ang mga pulang mantsa sa mga kubre-kama. At sa mantsa sa kanyang paa na kahit na anong hilod ay di mabura.

Nakaririnig pa rin ako ng pintig mula sa aking kaloob-looban. Ngunit, ngayon, tiyak ako. Ako yun. Buhay na buhay.

At ang pulang bakas sa buong kabahayan-tuluyan nang nagmantsa sa marmol. Di ko maipaliwanag, ngunit nagliliwanag-matingkad na pulang naglalagablab—at nagsisilbi kong daan kung madilim ang kapaligiran. Patungo sa kusina, sa labahan o paakyat sa hagdan.