|
TALAMPUNAY
ang puting bulaklak na korteng taob na torotot. Kaya naman tinawag rin itong
Angel's Trumpet. Kapag pinadilaan sa apoy, lulutang ang mga mistikal
na katangian ng bulaklak. Sa mas klarong salita, makasisinghot tayo ng droga.
Mga gadangkal
na talulot na talampunay ang nakahanay sa bungad ng Inn Rocio, sumalubong
sa aming pag-akyat. Kami ang benteng pumasa, ang benteng tumanggap ng
"unanimous decision" at sinagot ito ng kanya-kanyang hiyaw,
talon, o nginig. Sa tuktok ng burol, pinagpasa-pasahan ang mga manuskrito,
mikropono, termino, panaginip, tuwalya, toma, at chips. Nagbahaginan tayo
ng awit, kwento, drama, tula, luha, at hak hak hak hak hak.
Sa huli,
maraming iiwanan, ipapasa sa mga organisador, sa ika-45, at sana sa mga
mambabasa. [Kalakip nitong ikalawang Talampunay ang pasasalamat sa LIKHAAN,
mga matiyagang panelist, mga abalang staff, mga bisita, at mga host na
bukas-palad.] Kipkip rin ng isyu ang katapusan ng trip, ang pagbaba ng
tama.
Kalimutan
man o karirin ang pagsulat, heto ang pitas na torotot ng anghel. Hayaang
ihatid tayo pabalik sa lupa.
Ang artikulong
ito na sinulat ni Dennis Aguinaldo ay ang naging Pangulong Tudling ng
Talampunay Dos, Newsletter ng 44th UP National Writers Workshop.
|
|