Ang banal at
kapuri-puring pagnanais na mabatid nawa ng madlang kabansa
ang mnga makahulugang bagay na naganap sa loob ng bayang
tinubuan sa mga dumaang panahon, upang samantalang
naglalakbay dito sa masigwang dagat ng kabuhayan, ay
maisagawang-tularan yaong mga gawing nalalandas sa dalisay na
katuwiran at sa nakalulugod na pagkakapatiran; at mailagan
naman yaong mga pangyayaring sinsay na sinsay sa batas ng
katauhan, o kaya yaong mga sumasalungat sa matimpuyong
pagsasamahan: ito (ang banal at kapuri-puring pagnanais) at
walang iba ang siyang nag-udyok sa mga mararangal na ginoo sa
"THE CAVITE GAZETTE" ng taong 1922-23; sa "THE
SUNDAY TRIBUNE" ng Hunyo hanggang Setyembre ng 1925, at
sa mga taga "SAMPAGITA" ng Hulyo hanggang Oktubre
ng 1926. sa pagkapalathala nilang tatlo sa wikang ingles ang
dalawang nauna, at ang huli'y sa wikang tagalog,
nyaong pahat na "SALAYSAY" bagay sa K. K. K. ng mga
A. N. B. at sa "HIMAGSIKAN", ulat na binanhay ko ng
taong 1908 ó 1909 sa loob ng "BARTOLINA" sa
Piitang Bilibid, Maynila, S. P.
Lubos ang
paniniwala kong gayon nga ang bukod-tanging hangad ng mga
tatlong pahayagang nabanggit na; kaya't buong pitagang ako'y
sumasamong pagindapatin nawa nilang tanggapin ang sa puso
ko'y taos na pasasalamat, na siyang bilang prenda ó sanla ng
walang pagkupas na pagkilala kong "MALAKING UTANG NA,
LOOB", sanlang tutubusing walang pagsala, sa
pamamag-itan ng "BUKADAKAD AT HUMAHALIMUYAK NA
GAWA" kung papagkamitin na nang Estados Unidos ng Norte
Amerika, alinsunod sa kaniyang pangako, ng "DALISAY AT
GANAP NA GANAP NA KASARINLAN", ang pinakaiibig na
Inang-bayang Pilipinas.
Sa ilan, nga,
sa mga pinakaiirog kong kalahi, ay hindi na nalilingid ang
mga bagay-bagay na nababadya sa bawat dahon nitong maliit na
aklat, na sa "BUONG PUSO'Y INIHAHANDOG KO NGAYON SA
MASISIGLA'T MAPANGARAP NA KABATAANG MARURUNONG UMIBIG SA
ILAW; MARURUNONG MASUKLAM SA KADILIMAN; TUNAY NA NAPOPOOT SA
MAPAGHARI-HAR1YAN, AT MASIGASIG SA PAGLUSAW NG KAALIPINAN;
ngunit sa madagubdub na pagpipita kong maihantong sa
katampatang tugatog niyaong napakabanal na pithaya ng mga
nasabing tatlong pahayagan; sa makatawid, mapalaganap nawa sa
buong kapilipinuhan yaong mga nangyaring aking nasaksihan sa
madugo ngunit napakaayus na paghihimagsik na yaon, ay
minarapat kong tipunin ang mga napalathala sa mga naturang
pahayagan, at ipinalimbag ko sa hiyas ng isang maliit na
aklat, upang kailan ma't tunghayan ninoman sa aking mnga
kalipi, sa kaniya'y (aklat) mamamalas:- bukod yaong mga
balot-ng-mapupulang ulap na araw, na nalalarawan maliwanag sa
bawat dahon niya, ito pang mga sumusunod:
(a)
Yaong mga sukdulang saklap na kabuhayang binata sa
loob ng 6 na taong singkad, mula ng taong 1904 hanggang
1910, sa isang maliit, madilim, malamig at mapanglaw na
silid, na sa piitang Bilibid ay kilala sa palasak na
tawag na "BARTOLINA" (Solitary Cell).
(b)
Ang mga dimasambitlang kapaitang dinanas nitong may
akda sa pangalawang pagkapatapun niya sa Hongkong mula ng
Hulyo ng 1910, hanggang Mayo ng 1915, na dahil sa digmaan
sa Europa'y ang Pamahalaang Ingles sa Hongkong ay tinapun
siya, makalawa rin, sa siyudad ng Shanghai.
c) Yaong
mga napakasungit na paghihikaos sa buhay niya mula ng
Hunyo ng 1915 na siyang pagdating niya dito sa Imperiong
Hapon hanggang sa ngayon, 20 ng Oktubre ng 1927, araw na
kaniyang pagsilang, ó kaya ihahakbang niya sa 62 taong
gulang.
Ang anomang
panukala, laluna kung may kaunting kabuluhan sa kinamulatang
Inang-bayan, kung mabigo man, ay nakaiiwan din ng isang
bakas, at itong hubad na "SALAYSAY" bagay sa
Katipunan at sa Himagsikan, talang pinamagatan sa wikang
ingles nang:- "THE MEMOIRS OF GENERAL RICARTE", ay
siyang tunay na anino nyaong maalab na tangkang umakay sa
akin sa pag-owing kong lihim sa Pilipinas ng Disyembre ng
1903, upang magtatag, sa ilalim ng pangangasiwa ng Gobierno
Triunvirato Dictatorial, ng mga kawal para sa bagong
Himagsikang isasabay sana sa digmaan ng Hapon at Rusia, 1904;
at sa gayo'y mapilit ang Estados Unidos ng Norte Amerika,
upang tupdin na niya ang kaniyang pangako sa bayang
Pilipinas. Gumala-gala akong, hila ng magandang pakay na
yaon, sa mga lalawigang kanugnog ng Maynila; ngunit, sa abá
ko! nang mga 6 na buwan na sa ganitong gawain, ay siyang
paglitaw ng isang Hudas (Luis Baltazar, Escribano ng
lalawigang Bataan) at ako'y ipinagkanulo at ipinadakip sa
bayang Mariveles ng ika 29 ng Mayo ng 1904.
Iniharap ako
sa Hukuman sa Maynila at sa kasalanang,'CONSPIRACION" ay
hinatulan ako ng Hukom, Mrl. (marangal) na G. Manuel Araullo
nang "ANIM NA TAON, at sa rebolber nama'y "ISANG
TAON AT ILANG BUWAN"; kaya't mula ng Hunyo, 1904,
hanggang Hunyo rin, 1910, nakulong akong nag-iisa sa isang
silid na pinanganganlang "BARTOLINA" sa Piitang
Bilibid, Maynila.
Ubud nang
kapanglawan ang kabuhayang tatalaktakin nang sinoman sa loob
nang silid na yaon, at lalu pang ngitngit ng kalungkutan sa
isang gaya kong, hindi napiit dahil sa maraming kasalanan,
kungdi sa pagsalungat sa pamamanihala ng Estados Unidos ng
Norte Amerika sa buong kapuluan Pilipinas. Kahit kapiranggit
na papel na may titik na mabasa, ay wala, ni wala ring
makausap man lamang, maliban sa tanod na Amerikanong mukhay
hitik ng kapootan, sa mga kuliglig at mga langgam na
nakasusuut sa guwang ng makiput na pintoan, at yaong
mahahabaging gagambang sa apat na panulok ng mga pader, ay
nagsisihuling, upang maligtas ako sa kagat ng mga
kawan-kawang lamok, liglig ó langaw na nagsisilusot sa isang
pabilog na butas na batbat ng rehas, upang sa gabi'y madalaw
nila yaong kulang palad na nabibilanggo.
Sa oras na
pagbisita ng pinuno sa araw-araw ako'y humihingi ng trabahong
sukat mapagpalampasan ng masasaklap na saglit-saglit; kahit
yaong magpison sa lupa, ó yaong paikit-ikit na lakad na
maghapong may pasang mabigat na bato, ó anomang kayang
napakabigat na gawain: datapuwat walang nakakamtang sagot,
kungdi isang tinging nagkakahulugang nangliliit sa hiya ó
nangaalispusta, sapagkat pasulyap at pairap pa.
"TUMUGTOG
AT BUBUKSAN, HUMINGI AT BIBIGYAN" ang wika ni
Hesucristo, at ito'y katutuhanang naganap; sapagkat isang
umaga ng taong 1908 ó 9, sa makatuwid, 2 ó 1 taon na lamang
ng hindi ko natitirpusan sa hatol ng Mrl. na Huez Araullo,
ang Direktor ng Buro ng mga Prisiones ng Pilipinas, Mr. Wolfe
(pamagat Ahas) na siya ring nanunungkulan sa pagka-Alkalde ng
Bilibid noon, kaakbay ng isang maginoong puti (WV. Brecknok
Watson, ani Profesor Mr. Austin Craig) ay nagbisita sa akin,
at sa paghingi ko sa kaniya ng trabaho, ay tumanong siya sa
akin kung maaari kong isulat yaong mga bagay-bagay na
nangyari sa Himagsikan laban sa Pamahalaang Kastila. Sinagot
kong sang-ayon; kayat, kinabukasan ay pinadalhan ako ng papel
at lapis, kasama ang tagubiling ako'y magsusulat mula sa las
8 ng umaga hanggang las 12 ng tanghali, at ipagkaloob sa
bantay na Amerikano ang bala kong mayari. Naito, nga, ang
lubhang mapalad na pagkakataong, upang balangkasin ko ang
"SALAYSAY" na ito, at wala namang kahit sinong
nagkamit ng sipi; at si G. Mariano Ponce nama'y nagkapanagpu
nga kami sa Hongkong ng 1903, bago lansagin nina GG.
Apacible, V. Ilustre, F. Agoncillo, C. Lukban, S. Villa ang
Comite Central Revolucionario Filipino sa Hongkong, 1903,
ngunit hindi kami nagkapaniinan ng pagpapanayam, sapagkat
siya (Ponce) naman ay nagpihit agad dito sa Hapon sanhi naman
sa kaniyang pinangunguluhang Comite.
Nabigo nga ang
Himagsikan aking tinangkang ibangon, dahil sa mahigpit na
paniniwala kong magtatagumpay ang Hapon (kayumanggi) sa
pakikidigma niya sa Rusia (puti), at sanhi sa pakay na ito'y
ako'y nabilibid ng 6 na taon; ngunit ang Poong Bathala'y
niloob naman niya, samantalang ako'y nagdudusa sa loob ng
silid ni pighati, maisalaysay ko ang tunay na nangyari sa
Himagsikan ng mga A. N. B. hanggang Mayo ika 1. o, 1898, na
siyang pagsimula naman ng pangalawang Himagsikan laban sa
Pamahalaang Kastila, Himagsikang dapat tawaging
"DEWEY-AGUINALDONG HIMAGSIKAN".
Ang wastong
pagkilalang nunukal sa mabanayad at masuring pagtunghay ng
mga iniibig kong kabansa sa maliit na aklat na ito, na ang
mga pilipinong sumilang at yumabong sa mga huling henerasyon
ng ikalabing siyam na siglo, ay masinghayang inialay ang mga
buhay sa ikababawi nang "KALAYAANG" malaon nang
nawala, at nang maipamana sanang malinis sa mga sumusunod na
kalipi, ito at hindi iba ang "MALAKING
GANTINGPALANG" aking inaasam makamtan sa inyo, mahal
kong kasing-angkan, dahil sa pagkabalangkas ko sa
"SALAYSAY" na ito, "MALAKING
GANTING-PALANG" bagkus magniningning kung masalalay sa
madagubdub na pagnanasa ninyong ipagpatuloy ng buong sigla
ang gawang pag-usig hanggang sa makamtang lubusan ang
"DALISAY AT GANAP NA KASARINLAN". Mangyari nawa ang
gayon at inyong malasap ang pagpala ng Maykapangyarihan sa
lahat.
Ang may-akda
MGA
PALIWANAG NI PROF. AUSTIN CRAIG
TUNGKOL SA MGA TALA NI RICARTE
AKDA SA INGLES NA TINAGALOG NG SAMPAGITA
Kasalukuyang
nabilanggo sa pagka-politiko si Heneral Ricarte nang sulatin
ang kanyang mga tala, alinsunod sa kahilingan ni W. Brecknock
Watson, isang ingles na sa loob ng ilang taong itinira sa
Maynila, ay naging manunulat sa ilang pahayagan at naging
puno pa sa pasulatan ng "The Cableneus" at nang
malauna'y sa "The Times" naman.
Sa hindi ko malaman kung papanong paraan, marahil sa pakikipagpalitan ng mga kasulatan kay Watson, nguni't lalong malamang na kay Ricarte na rin, ang yumaong si Mariano Ponce ay nagkaroon din ng isang sipi na siya namang pinagbuhatan ng siping iniingatan kong may ilang taon pa muna bago mapasa Kawanihan ng Aklatan at Museo ang siping yaon na siyang nag-iingat ngayon. At noon din ay nagkaloob ako ng isang sipi naman sa Kagawaran ng mga Kasaysayan sa Unibersidad ng Pilipinas.
Tila ang ganito'y hindi nalalaman ni Watson; kaya't minsa'y inialok na muli sa aking ipagbili nang may malaking bawas na sa dating halaga niyang P. 1,500 kay Heneral McIntyre, nang panahon ng pangasiwaan ni Harrison, nang yao'y namimili ng mga kasulatang ukol sa himagsikan para sa Kagawaran ng Digma. Ang akala ng may-ari, ang akdang ito'y makasasama sa mga Pilipino; kaya't kanyang inilapit sa mga tagapatnugot ng kilusan sa pagsasarili, nguni't nabigo.
Saka sa isang pag-uusap namin ni Watson ay nasabi ko sa kanyang mayroon nang ilang sipi ng kasulatan niyang yaon; kaya't ang kanyang tangkang ipagbili upang maiwasan ang pagkabunyag, ay di na ipinagpatuloy. Pagkalipas ng ilang panahon ay inihulog niya sa ingles ang akdang ito, at saka sinimulang inilathala sa isang pahayagan sa Kabite yata o sa Korehidor, (Kavite Gazette) na iilang kabanata naman nalabas, at hindi na hihigit pa marahil sa napalathala sa isang pahayagan pang-linggo rito sa Maynila, sa taya ko (Manila Sunday Tribune).
Ang lalong mabuting ulat ng Himagsikan sa Pilipinas ay mababasa sa katipunan ng mga kasulatang nasamsam sa mga manghihimagsik na nadakip at tinipon ni Kapitan John B. M. Taylor para sa Kagawarang Digma. Ang mga kasulatang ito'y lilimbagin na sana nang ipabatid ng yumaong si James Leroy kay Taft na hindi dapat ilathala sapagka't makapipinsala sa karangalan ng ilang taong nabubuhay pa noon, at upang patibayan pa ang kanyang pagtutol, ay binanggit ang ilang pangyayaring iniuulat ng mga kasulatang ukol sa panghihimagsik ng mga taga Timog nang Digmaan ng Himagsikan sa Amerika. Ang ginawa ni Mr. Taft ay ipinasabog na ang pagkakalimbag at lalabingdalawang sipi ang nayari at naitago.
Ang isang sipi
ay nasa Fort Santiago, ang isa pa'y nasa tanggapan ng
Kostabularyo.
Laban sa kalooban ng Pamalalaan, ay marami ring bahagi ng aklat na "The Philippines, Past and Present" ng naging Kalihim Worcester ang kinuha sa kasulatang ito, kaya't ang mga siping nasa Maynila ay ipinakuhang lahat ng pangasiwaan sa Washington upang huwag nang maulit pang muli ang gayong pagkukulang. Ang ilan sa mga orihinal na pinagkunan ng ulat ni Kapitan Taylor ay maluwat-luwat ding nagamit ko at marami na rin namang dahon ang aking naisasalin sa makinilya na siyang ginamit ng may ilang taon ng mga nag-aaral ng kasaysayan sa Unibersidad ng Pilipinas nang walang ano mang kapinsalaang ibinunga.
Ang totoo'y mabuti nang ipaglathala ngayon ang mga kasulatang ito at ang mga iba pang may gangganitong uri. Di gaanong mapipinsalaan ang dangal ng Pilipino sa paglalathala ng mga katotohahanan kaysa kung ipagpapatuloy ang paglilihim na pagbubuhatan ng kung anu-anong sapantaha. Sa isang monarkiya o kahariyan, ang katotohanang ay inililingid sa kasaysayan upang papaniwalain ang madla na talagang ang pamahalaan ay di maaaring mabiru-biro, bagay na hindi maaaring matanggap ng sinomang lalong paniwalain. Nguni't sa isang bayang pinaghaharyan ng demokrasya, ang mga kamalian ng lumipas ay nagiging aral upang ang pagkakamali'y di na maulit pa.
Tatlo pang
ulat ó salaysay bukod sa mga kasulatang ito ng Pamahalaan na
hindi pa nabubunyag, ang naglalahad ng iba't ibang kulay ng
pagkukuro at sadyang kailangan sa isang ganap na
pagkakaunawaan.
Si John T. Maaleod, isang ingles na sigang naging tagapamag-itan sa mga Pilipino at Kastila sa kasunduan ng dalawang ito ukol sa pananalapi na ginanap sa Biyak-na-bato, ay nakaiwan ng mga sariling talang di pa napapalathala, at ngayo't nasa pag-iingat ng kanyang balo na naninirahan hangga ngayon dito sa Maynila. Nasasaklaw din dito ang panahon ng pagkakakuha sa Maynila at ang dikasiyahang-loob ng mga Pilipino at muling panghihimagsik hanggang sa pagka-sunog ng Iloilo. Ang mga ulat na ito'y pagkukuro ng isang walang kinikilingan na nakakuha ng mga sangkap na katotohanang ginawang saligan ng kanyang mga tala sa lahat ng maaaring pagkunan, sapagka't taglay niya ang pagtitiwala ng magkabilang panig. Nguni't ang mga nangyari pagkatapos, ay waring naging salungat din ng bahagya sa mga kuru-knro ni Mr. Macleod, nguni't ang gayo'y di nakapipinsala sa kahalagahan ng kuru-kuro ng isang noo'y may matalinong isip at isang dalubhasang taga-pansing walang kinikilingan.
Ang pagbabangon at pagkalagpak ng Himagsikan na sinulat ni Mabini ay isang kasaysayan lalong laban kay Aguinaldo at dahil dito, nang ito'y bilhin naman ilang taon na ngayon ng Kawanihan ng Aklatan, ay hindi na ipinalimbag. Nguni't ang ikasampung kabanata ay ipinalimbag sa wikang kastila ni Dr. Dominador Gomez sa isang pahayagan dito sa Maynila nang may ilang taon na (1903), at ito lamang ang tanging tuligsa laban kay Aguinaldo noon, kaya't ang iba pa'y ipinalihim nila, bagay na nagpapahinuhang marami pang dapat ituligsa kay Aguinaldo.
Sa isang pagliliwaliw sa hapon ay inihulog ko sa ibang wika ang kasaysayan ni Mabini at nagpalimbag ako ng may pitumpung sipi, upang gamitin lamang ng aking mga tinuturuan. Ito'y noon pang panahon ni Harrison at pagbabalik ko ay naging sanhi ito ng pagsisiyasat sa akin ng Kalihim Tagaganap, na ang layunin ay ibigay kong lahat sa kanila ang mga siping aking ipinalimbag na ang iminamatuwid ay ang Pamahalaan daw lamang ang may karapatang mag-ingat noon. Gayon man ay ipinakilala ko rin sa kanilang ang aking sipi ay nakuha bago bilhin yaon ng Pamahalaan, at natapos ang usaping ito na ang nagsiyasat pa ang nangutang ng loob na siya'y pagkalooban ko ng isang sipi.
Ang pagtatanggol ni Aguinaldo ay lumabas sa Tanay na (Ulat Relacion verdadera) na napalathala nang malaganap sa mga unang araw ng Republika Pilipina, lalo na sa Amerika. Ito'y sinulat dahil sa magiging bisa sa politika, at ang sumulat noon kung sa ngayon, ay di makapangangahas marahil na manindigan sa lahat ng kanyang pinagsabi sa lathalang yaon.
Dapat ngang mapagsama-sama ang apat na salaysay na ito — ang kay Ricarte, Macleod, Mabini ,at Aguinaldo sa isang buong aklat, upang mapagsanggunian kung ibig matalos ang tunay na kalagayan ng maligalig na panahong yaong mula sa 1896 hanggang 1902. Si Watson, na siyang humimok kay Ricarte upang sulatin ang kanyang mga tala, ay siyang pinaka-Retana ng mga ingles, maging sa kasipagan at maging sa kawalang imbot. May paniwala akong siya'y minsan nang pinagbawalang makatuntong sa mga tanggapan sa Ayuntamiento, sapagka't minsa'y hinalukay niya ang isang "basket" ng isang mataas na pinuno, samantalang wala ito. Ayon sa kanyang panabi nang rmga huling araw, diumano'y humalunghay daw siya sa mga hayag na kasulatang iniingatan sa Kostabularya nang masumpungan niya ang isang katipunan ng mga lihim na kasulatang napagkamalang naisama roon at ang ginawa'y siniping buo.
May isinalaysay siyang hango sa sariling pinagdanasan ukol sa pagkakapagbili ng mga Lupang Prayle. Ang kinatawan ng Papa na si Arzobispo Chapelle ay nagbigay ng isang halagang mataas kaysa karampatang ibigay at ang ginawa ng gobernador ay ikinable ito sa Washington. Ang nasirang si Heneral Hartigan na siyang tagapagtanggot ng simbahan at ang delegado, na nasa kanyang tanggapan, ay nananabik makabatid ng kalalabasan, sapagka't ang halagang ibinigay niya'y, batid na di siyang pangwakas na halaga, kungdi upang matawaran pa. Nasabi pa tuloy ni Dr. Chapelle na magbibigay siya ng P 500.00 malaman lamang ang itinala ni Taft sa kanyang kable upang, kung laban sa pagbili, ay malakad niya agad sa Wasington na huwag wakasan ang pagtatawaran. Kaharap noon si Watson at narinig ang sinabing ito, isang karaniwan ang sambitlain ng mga Amerikano, bagama't di naman talagang tinututoo ang halagang nabanggit. Gayon ma'y tinutoo ng ingles at kadagli-dagling nagtatakbo sa tanggapan ng Kalihim Tagaganap nang katanghaliang tapat na walang isa mang amerikano nang natitira sa tanggapan. Umano'y nagmamadali siya at may taglay raw pahintulot, na hiningi niya sa isang Pilipinong nangasiwa ng mga kasulatan doon, na bigyan siya ng sipi ng pahatid-kawad ni Taft, at ibinigay naman sa kanya. Pagkuwa'y idinala ang kable sa tanggapan ni Mr. Harigan at hinihingi ang P 500.00 sa manananggol na napamangha. Mga ilang minuto lamang pagkatapos ay ibinalik niya ang mga kasulatan sa kawaning nagbigay sa kanya, at sinabi pa ritong hindi ang kasulatang yaon ang kailangan at ang mga kasulatang tulad nito ay di dapat palabasin sa tanggapan, nguni't dahil sa kawalang-malay ng kawani, ay maaaring ipaglihim ito ni Watson at hindi niya isusumbong ang gayong pagkakamali. Hindi niya nasabi sa akin kung siya'y tumanggap ng kuwalta ó kung nabatid man lamang ng kinatawan ng Papa ang naging bunga ng kanyang bulaklak ng dila; nguni't sa kabutihang-palad ay di naman natin maituturing na pagkakasala ng delegado ang maparamay sa kabulagsakan ng kanyang mnga kababayan na naringgan nang nagsabi, kapag nauuhaw ng: "Bibigyan ko
ng isang angaw na dolyar ang sa aki'y magpainom"
May ilang taon
nang umalis si Watson, matapos maipagbili ng mura ang kanyang
katipunan ng mga kasulatang lihim ng Pamahalaan, na wala pang
katulad sa kanyang mga kauri.
AUSTIN CRAIG.
Hindi gumamit ng mga kabanata
si Hen. Ricarte sa kanyang aklat, kaya aking hinati sa
ilang bahagi and salaysay, upang hindi gaanong mahaba ang
bawa't pahina
Unang Bahagi
Bumalik sa Unang Pahina