Himagsikan Ng Mga Pilipino Laban sa Kastila

ni Artemio Ricarte

 

Simula

1. Ang Panghihimagsik ng mga kaanib sa Katipunan, ay nagsimula noon ding araw na si Dr. Jose Rizal, ay nabilanggo sa Fuerza de Santiago sa siyudad ng Maynila.

2. Ang pagkakatatag ng Katipunan. -- Nang malansag ang "Liga Filipina", kapisanang itinayo ni Dr. Rizal, si G. Andres Bonifacio, na isa sa mga pang-unang kagawad sa tinurang "Liga Filipina", ay nagtayo naman ng Kamahal-mahala't Kataas-taasang Katipunan ng mga Anak ng Bayan, na ang ibig sabihin sa wikang kastila'y: "Muy estimable y alta sociedad de los Hijos del Pueblo", pamagat na karaniwang isulat na lamang ang mnga pang-unang titik sa tagalog na: "K. K. K. N. M. A. N. B."

Pamahalaan ng Katipunan. Ang "K. K. K. ng mga Anak ng Bayan", ay pinamatnugutan ng isang Kataastaasang Sanggunian (Consejo Supremo) na binubuo ng isang Kataas-taasang Pang-ulo, si G. Andres Bonifacio, na napamagat sa pagka-katipunang "May Pag-asa"; ng isang Ingat-yamang pangkalahatan, si Dr. Pio Valensuela at ng walong kagawad at ilan pang Kasangguni, na kinabibilangan nina G. Teodoro Plata, na binaril sa Luneta, Maynila.

Isaac del Carmen Valentin Diaz Francisco Carrcon Guillermo Masangkay Dr. Pio Valenzuela nila, G. Wenceslao (Ladislao) Diwa, G. Valentin Diaz, G. Aguedo del Rosario, G. Alejandro Santiago, G. Pantaleon Torres, G. Vicente Molina (binaril), G. Francisco Carreon at G. Briccio Pantas.

Ang Kataas-taasang Pamahalaang ito, ay itinayo sa pangulong-bayan ng Kapuluang Pilipino. Sa mga lalawigan o bayang tinatahanan ng maraming kaanib, ay nagtatag din ng isang Sangguniang Bayan na binubuo naman ng isang Pang-ulong Sangguniang-Bayan, ng isang Kalihim, ng isang Tagausig at ng isang Tagaingat-yaman

Sa mga bayang kakaunti ang kaanib ay nagtayo rin naman ng isang Sangguniang-Balangay, na binubuo ng mga taong kasing-dami rin ng mga kagawad ng Sangguniang Bayan, at ang mga kasangguni, ay ang lahat ng Pinunong Balangay. Ang pangkat na pinamamagatang Balangay ay katulad na katulad ng sa "cabeza de barangay" na isang katipunang katutubo sa mga Pilipino at dinatnan na aito ng mga Kastila at pinag-ayos pa nila.

4. — Ang pagpapatala sa Katipunan. — Ang sinomang umaanib, matapus hingan ng ilang katunayan ng katibayangloob, tapang at pagka-makabayan, ay pinapanunumpa at pinalalagda ng kanya ring dugong tinigis sa isa niyang bisig, tuloy ipinangangako ang isang pikit-matang pagsunod sa Palatuntunan ng kapisanan, sa mga utos na nagbubuhat sa pamunuan, at, kung sakaling mahulog sa kamay ng mga may kapangyarihang kastila, ay huwag magsasabi ng anomang bagay na natutungkol sa Katipunan.
Hinihingi din sa umaanib na gumamit ng isang sagisag na salitang pilipino, at ito, kalakip ng kanyang tunay na pangalan sa pagkabinyagan, ang siyang ilalagda sa kasulatan ng panunumpa. Nilagyan din ang ilang mga bayan ng mga pama-pamagat na pinaka-sagisag sa pagkakatipunan, gaya ng mga nasa lalawigan ng Kabite:

Pangalan sa PamahalaangKastila

Pangalan sa Paghihimagsik

Noveleta Magdiwang
San Francisco de Malabon Mapagtiis
Rosario Salinas
Santa Cruz de Malabon Naic
Maragondon Magtagumpay
Ternate Katwatwa, (sa huli) Molukas
Indang Walangtinag
Alfonso Naghapay (kay Alfonso)
Cavite el Viejo Magdalo
Imus Haligue
Bacoor Gargano
Perez Dasmariņas Magpuri
Silang Bagongsinag
Amadeo Maypagibig


5. — Ang unang titis ng Panghihimagsik — Nang mapagalaman ng Gobernador General na kastila, na noo'y si G. Ramon Blanco at Erenas, ang paglitaw ng isang malaking kapisanang lihim, lahat ng mga may kapangyarihang kastila, saka ang mga pinuno ng Guardia civil at ang sa Veterana, ay nagpasimula na ng panghuhuli ng mga taong, ayon sa mga tinurang pinuno o sa turo ng mga kurang prayle, ay kahinahinala o kaya'y mga bansag at may lakas sa mga taong bayan; at pagkahulog sa kanilang kamay ng mga pinaghihinalaang may-sala, ay pinahihirapan ng katakut-takot sa iba't ibang paraan, at di kakaunti ang nangamatay. Ang kahambal-hambal na sigaw ng mga sawi ay mabilis na lumaganap sa lahat ng bayan at pook na may mga namamayang kaanib sa Katipunan, kung kaya ang mga anak ng bayan ay sumagot ng sigaw rin, na parang sa iisang tao, ng: Maghiganti!

Noong ika-23 ng Agosto ng 1896, ang isang malaking pangkat na taong bayang pinanguguluhan ni G. Andres Bonifacio, ay nagkatipon sa Balintawak, isa sa mga nayon ng Kalookan, lalawigan ng Maynila, upang pag-usapan kung paanong maililigtas ang kapisanan sa malaking panganib na nagbabala sa kanya. Ang pagpupulong na ito'y natutop ng mga Guardia Civil at sa pamamag-itan ng mga paputok ng baril na itinugis sa kanila, ay nag kasabug-sabog ang mga tao at ilan ang napatay. Samasama ang mga katipunang nagsiliblib sa kagubatan at humanap sila ng sukat mapangublihan.

6. —Ang bandila ng himagsikan.

Babahagya pang nakatatagpo ng pook na mapangungublihan nang panapanatag, ay iniwagayway na ng mga naghihimagsik ang kanilang watawat na kawangis ng sa Japon, matangi ang pagkakaibang sa halip ng kayong puti at ng araw na may mga sinag na pula, na siyang sa Hapon, ay pula ang kayo, at ang araw ay may mga sinag na puti, at sa gitna nito'y may isang K na siyang pang-unang titik ng salitang Kalayaan (Libertad). Kahit saan mahimpil noon ang mga pangkat ng katipunan, ay nawawagayway ng buong ning-ning ang tinurang watawat hangga noon mga huling araw ng Disyembre ng 1897, na mula sa bahay-pamahalaan at sa mga himpilan sa Biyak-na-Bato, ay natiklop at nababa, marahil nang sa habang panahon na, dahil sa bisa ng Kasunduan ng Kapayapaan ng Pamahalaan ng Panghihimagsik; at sa pangalawang Himagsikan laban din sa Pamahalaang Kastila (1898), ay napaltan ng sa ngayong: may tatlong kulay at tatlong bitwin.

7. Paglusob ng mga katipunan sa mga kawal kastilang natatayo sa San Juan del Monte, Maynila.— Nang si G. Andres Bonifacio ay naroon na sa isang himpilang matibay, ay nagpadala ng mga kalatas sa mga pinunong katipunan sa mga lalawigan at bayan-bayan, at sila'y inanyayahan sa isang pagpupulong, upang pagpasiyahan nang lubos kung ano ang dapat gawin ng Katipunan sa gayong katayuang napaka-mapanganib. Nagsidalong madalian ang marami sa gayong tawag, at bagaman may ilan ding kapulong na nagsipagpayo ng salungat, ay napagtibay rin sa kapulungan na:- lumaban sa lahat ng kaparaanang magagawa sa anomang paglusob o pagsalakay na tangkain ng mga kawal ng Kastila. Idinadahilan ng maga kasalungat sa gayong pasya na hindi maaaring humarap sa isang kaaway na sagana sa sandata, maayos at nasasangkapan ng lahat ng kailangan sa digma; sapagka't ang Katipunan nga nama'y walang magamit na anomang sandata, ni salapi at ano pa mang kaayusang hukbo. Nang sandali ring yaon ay pinagkaisahan ang pagsalakay sa pulutong ng mga kawal na kastilang natatanod sa San Juan del Monte, lalawigan ng Maynila, pagsalakay na ginanap sa madaling-araw noong ika-29 ng Agosto ng 1896. Sa labanang ito ay maraming namatay na kabig ng Katipunan, gayon din sa mga payapang taong bayan; at matapos ang humigit-kumulang sa apat na oras na pagbabaka, ay nagsiurong ang mga katipunan, at naiwan ang pook ng laban na nakakalatan ng mnga bangkay. Nakasamsam sila ng apat na baril at mga punlo.

8. Paglaganap ng katipunan.— Ang pagkalat ng "Noli me Tangere" at ng "Filibusterismo" ni Dr. Rizal na nagkapasalin-salin sa kamay ng mga Pilipinong mulat, at ng pahayagang "Kalayaan" sa kamay naman ng mga kasamang mamamayan, ay siyang nagpasiklab sa damdamin ng lahat ng mnga Pilipino laban sa kapangyarihang kastila sa Kapuluan, at sa gayo'y mabilis na lumaganap ang Katipunan sa lahat ng sulok ng Pilipinas, lubha pa sa mga bayan at pook na kalapit ng Maynila. Sa bisa ng pahayagang "Kalayaan" na nililimbag sa tagalog, ang mga taong bayang may katamtamang pinag-aralan ay madaling nakaunawa ng karima-rimarim at kakila-kilabot na kalagayan ng bayan sa lilim ng isang malupit na pamamalakad; kaya pu-puo at madalas na daan-daan katao ang buong pusong nagpapatala sa Katipunan.

9. Ang Katipunan sa lalawigan ng Kabite. — Ang lalawigan ng Kabiteng nasa timog ng Maynila, ay binubuo ng 22 bayan; ang mga bayang ito'y pinaghati sa dalawang bahagi, upang matutugon ng nararapat sa lakad ng panghihimagsik. Unang bahagi:- Kabite (Pangulong-bayan ng lalawigan), San Roque, La Caridad, Noveleta, San Francisco de Malabon, Rosario, Santa Cruz de Malabon, Naic, Ternate, Maragondon, Magallanes, Bailen, Indang, Alfonso, Mendez Nuņez at Amadeo. At ang ikalawang bahagi:- Kavite el Viejo (Kawit), Bacoor, Imus, Perez Dasmariņas, Silang at Carmona.

Sa lalawigang ito ng Kabite, gaya ng nayulat na, ay nagkaroon ng dalawang Sangguniang-Lalawigan. Ang isa'y nasa Nobeleta, na kilala sa pangalang Sangguniang Bayang Magdiwang at ang isa'y sa Kawit na Sangguniang-Bayang Magdalo.

Maala-ala pa ang pagkaka-paglagay ng mga pangalang katipunan sa ilang mga bayan, at bilang katunayan nito'y nagkakilalanan ang maraming bayan sa pamamag-itan ng mga sagisag o pamagat na ito sa buong panahon ng Panghihimagsik.

10. Ang mga katipunan sa Kabite ay nagsidalo sa tawag sa pagpupulong ni G. Andres Bonifacio, ayon sa blg. 7. Dahil sa pista ni San Bartolome, pintakasi sa bayan ng Malabon-Tambobong, Maynila, ay nagkaroon ng tatlong araw na sabong, na kilala sa Pilipinas sa matandang tawag na "pintakasi". Sa pamamag-itan ng maidadahilang pakikipag-sabong, ay maraming taga-Kabite ang nakaalis sa lalawigan at nagsitungo sa bayang nasabi, at pagdating dito'y pinagsadya ang pook na kinalalagyan ng Kataastaasang Pang-ulo ng Katipunan. Ipinahayag nito sa kanila ang kapasyahang pinagtibay ng kapulungan, bagay na ikinapagpakilala nila ng pagsang-ayon, maliban ang ilang kaanib sa Sangguniang Bayang Magdalo, na malamig na nagsitanggap sa naturang kapasyahan.

11. —Pagtutol ng mga kaanib sa Sangguniang-Bayang Magdal. — Pagkaalam ng dalawang Sangguniang-Lalawigan sa Kabite sa kapasyahang pinagtibay ng kapulungan, ang mga kaanib sa Sangguniang-Bayang Magdalo ay nagharap sa Kataas-taasang Pang-ulo ng Katipunan ng isang mahigpit na pagtutol laban sa panukala, at sa tutol ay sinabing hindi masasang-ayunan ng mga tinurang katipunan ang ano mang pagkilos, dahil sa kawalang lubos ng sandatang magagamit.

12. —Ang kilusan sa Kabite.— Bago maganap ang pinapanukalang pagsalakay sa bayan ng San Juan del Monte, ang Kataas-taasang Pang-ulo ng Katipunan ay nagpasugo sa Lalawigang Kabite, upang ang mga tagaroon ay magsitugon nang pangatawanan ukol sa nabanggit na pagsalakay, na naganap noong ika-29 ng Agosto, gaya ng nasabi na. Ang mga katipunang kaanib sa Sangguniang-Bayang Magdiwang ay nagsipaghanda nang gabi noong ika-29, upang salakayin ang himpilan ng mga Guardia Civil kapagdakang makarinig sila ng putok ng kanyon. Ang mga pinunong katipunan ay nagsipaglamay magdamag sa pakikimatyag ng anomang alingawngaw o hudyat, at sa dahilang hanggang sa namimitak na ang araw, ay wala pa rin naririnig na anomang hudyatang pinagkaisahan, ang ginawa nila'y paghiwa-hiwalayin na ang kanilang mga kabig matapus pagbilinang mahigpit na mamalaging nakahanda sa lahat ng sandali, bilang pag-aantabay sa anomang patalastas. Nang araw ng Lunes ng umaga, ika-31 ng Agosto, ang Sangguniang-Balangay ng Bayang Mapagtiis (San Francisco de Malabon), na binubuo nina GG. Diego Mojica (Katibayan), pang-ulo; Nicolas Portilla (Mangyari), kalihim; Mariano Trias Closas (Labong), tagausig, at Artemio Ricarate (Vibora) tagaingat-yaman, ay nagkaisang paparoonin itong hull sa Sangguniang-Bayang Magdiwang, upang alamin dito kung ano ang marapat gawin. Pagkaraan ng tatlong oras, ang inutusan ay nagbalik, at sa dalang balita, ay agad naligalig ang buong bayan. Ang oras na pinagkaisahang ikilos ng Sangguniang Magdiwang at ng kinakatawang Ricarte, ay ang ika-2 ng hapon ng araw ding yaon; anopa't pagdating ng tinurang oras ay lulusubin ng mga katipunan sa dalawang bayan ang mga himpilan ng mga Guardia Civil sa kani-kanilang nasabi nang bayan. Sa pag-itan ng ika-10 at 11 ng umaga noon ding ika 31 ng Agosto, ang ilang katipunan sa Mapagtiis ay nagkatipon sa isang karihang kalapit ng pook na kilala ng mga taga San Francisco de Malabon sa tawag na Pasong Kalabaw; at sila'y pinangunguluhan ng guro sa paaralan. Pagkaalam ng kapitan sa bayan na si G. Eugenio Viniegra sa pagkakatipong ito, ay ipinag-utos kay G. Esteban San Juan, kapitan ng mga kuadrilyeros noon, upang ipagbawal ang pagtitipong yaon ng mga tao; ang mga ito'y nagsitanggi at sinabing sila'y naghihintay ng pagkaing inihahanda sa kanila ng may karihang, G. Benigno Parot. Sila ay binalaang pasabugin ni San Juan. sa pamamag-itan ng kanyang mga kawal; ngunit noon din sa halos isang kisap-mata lamang, ang mga katipuna'y sinugod ang dalawa at tuloy linusob na ang tribunal ng bayan at nakakuha sa mga kuadrilyero ng limang eskopeta at ilang sibat.

At noon din ay tinungo ng mga katipunan ang himpilan ng Guardiya Civil na nalalayo lamang ng mga 300 metro sa tribunal ng bayan. Ang mga katipunan ay pinasalubungan ng kagitla-gitlang paputok, pagkat nakuhang maipinid ang pinto ng himpilan ng mga Guardia Civil, sapagkat nakarating doon ang tinurang kapitan sa bayan na patakbong nakasalisi sa nagugulong tao at ipinagbigay-alam sa pangsamantalang Teniente ng mga sibil, dahil sa ang talagang pinuno'y nagtungong Nobeleta nang umaga pa, at dito'y nag-alsa na ang buong bayan. Binalak ng mga katipunan nang mga sandali ring yaon kung ano ang mabuting paraan, upang makuha ang himpilan ng mga sibil; ngunit walang nangyari. Sa pagpupumilit ng mga sumasalakay, sila'y namatayan ng isa, na nagngangalang Pablo, taga-Naik, at isang nasugatan na nagngangalang Felicisimo, taga nayon ng Presa, Mapagtiis. Nang mga ika-5 ng hapon ng tinurang araw, isa sa mga sibil na walang dalang sandata at nakapaisano na, sapagkat isa siya sa mga sibil na nagsisuko sa tapat ng tribunal ng Nobeleta, ay humarap sa guro ng paaralan at siya'y dinala nito sa lansangan ng himpilan ng mga sibil at pinasigaw mula rito na tawagin si Cabo Aclan; nang marinig nito at makilala ang tinig ng kanyang kawal, ay tumanong ng kung ano ang ibig, na sinagot ng tumawag, sa utos ng guro, na ibig niyang pumasok sa himpilan, upang maipagbigay-alam sa mga kasama ang kapalarang sinapit ng kapitan ng linea at ng kasamang opisyal. Sa huli siya'y tinulutan makapasok na taglay ang mga bilin ng guro. Ang nangyaring labanan noon ay tumagal hanggang sa madaling araw ng sumunod na araw (ika 1 ng Setyembre) na siyang pagsuko ng mga guardiya sibil, bagama't binayaang makatanan ang pinuno na napatay naman dahil sa pagtangging sumuko sa isang pangkat ng katipunan sa bayan ng Rosario.

Ang Sangguniang-Bayang Magdiwang, na binubuo ng kasalukuyang kapitan munisipal sa bayan na si G. Mariano Alvarez (Mainam), Pang-ulo; G. Pascual Alvarez (Bagqong-Buhay), Kalihim; G. Santiago Alvarez (Kidlat ng Apuy), G. Tianquilino Anquico at ng iba pang di ko na maalaala ang mga pangalan, kasama ang mga ilang taong-bayang kaibigan sa tribunal munisipal, pagdating ng oras na takda, at taglay ang buong kasiglahan at kagalakan sa sandaling pagkalagot ng tanikala ng pagkaalipin, ay hinati sa ilang pangkat, at inihalal ng bawat isa nito ang kanyang mga sariling pinuno. Samantalang idinaraos ang gayong pagpapangkat-pangkat, ay nagkataong daraan sa tapat ng tribunal ang tatlong pareha ng guardiya sibil na kasama ang kanilang pinuno. Sa halip na pansinin nito ang kilusang nakikita, ay nagpatuloy ng paglakad na patungong-uuwi sa San Francisco de Malabon, ngunit bahagya pang nakararating sa pook na pinamamagatang Desboka sa pag-itan ng Nobeleta at San Francisco de Malabon, ay pinagtangkaan silang harangin ng isang pangkat na pinangunguluhan ng isang nagngangalang Hipolito. Pagkapansin sa masamang kilos ng pangkat, ang ginawa ng opisyal ng mga sibil ay nagbalik sa himpilan ng Nobeleta, at makailang sandali lamang ay lumabas na kasama na ang kapitan Robledo at ilan pang kawal at matuling-matuling nagtuloy sa tribunal ng kabayanan. Gaya ng nasabi na ay natagpuan nila ang maraming taong nagkakatipon doon; kayat noon din ay tinakot at pinagbalaan ang lahat ng dalawang opisyal na magkasama, sa pamamag-itan ng pagbubunot ng rebolber ng kapitan at ng sable ng teniente; ngunit hindi pa halos nagagawa ito, ay sinugod na sila ng pikit-mata ni Bagong-buhay, ni Kidlat ng Apuy at ng isa pang nagngangalang Tikong, at sa pamamag-itan ng mga ulos at taga, ay napatay ang dalawang pinuno. Samantalang ito'y nangyayari sa bulwagan ng tribunal, ang mga katipunan namang nagkukubli sa silong, ay nagsilabas at dinaluhong ang mga sibil na natatalatag sa harap ng tribunal, at sa pamamagitan ng yapos at pagsunggab sa mga paa, ay naagawan sila ng mga sandata nang di man nagtagal.

Makaraan ang pagbubuno, ang mga sibil ay pinaghubad ng kasuutan ng mga taong bavan at inanyayahang magsianib sa paghihimagsik, na tinalima namang walang alinlangan ng mga sibil na noon di'y naging mga kawal na ng Katipunan.

Pagkaraan nito, ang mga katipunan ay nagsitungo sa himpilan ng mga sibil, na nalalayo lamang ng mga dalawang libong metro mula sa bahay Munisipal; nau-una sa lakad ang mga asa-asawa ng mga kawal at ilang mga anak-anak nila na hatid ng isa sa mga guardiyang nabihag. Ang himpilang pinamamahalaan noon ng Cabong Pilipinong Gojonera, ay hindi man nakapangahas magpaputok kahit isa at isinuko ang lahat ng sandata, dahil sa gayong kalungkut-lungkot na pangyayaring napagmalas. Noon din, ang asawa ng kapitan Robledo at ang anak, ay bihag na dinala sa bahay ng naging gobernadorsilyong si G. Ariston Villanueva, na kinatanggapan nila ng lahat ng mabuting pagtingin at paggalang ng tanang pagsisipaghimagsik.

Ang Sangguniang-Bayang Magdalo, na binubuo ng hukom pamayapa noo'y si G. Baldomero Aguinaldo, Pang-ulo, ng kapitan munisipal, G. Emilio Aguinaldo, na sumasagot sa buong panahon ng panghihimagsik sa pamagat na Magdalo, salitang hango sa Magdalena na siyang pintakasi sa Cavite el Viejo (Kawit), ni G. Candido Tirona, G. Tomas Mascardo, G. Benigno Santi, guro sa paaralang-bayan, atb. pa. kahima't mahigpit na nagsitutol, gaya ng nabanggit na sa unahan nito, sa pagkaigaya marahil sa tagumpay na tinamo ng mga taga Magdiwang, ay nagbangon din sa huli at pinagpilitang madakip ang isang pareha ng guardiya sibil na naparaan lamang doon sa pagtungo sa Imus. Ito'y utang din sa matatapang na sina Tirona at Mascardo na silang nangulo sa pangkat na humuli sa mga naturang sibil. Nang magbalik si G. Emilio Aguinaldo, na nang umagang yaon ay nagtungo sa pangulong-bayan ng lalawigan, upang makipanayam sa Gobernador tungkol sa isang pangkat ng mga tulisang lumitaw sa nayon ng bayang kaniyang nasasakop; kayat humingi tuloy ng abuloy na mga sandata, ay nakipisan kapagkaraka sa mga kabig nina Tirona at Mascardo, at noon di'y kanilang nilusob ang asyenda ng mga prayle sa Imus na binabantayan ng ilang kawal na guardiya sibil, at gayon din naman ang himpilan ng mga ito roon. Ang asyenda ay dalawang araw na kinubkob, hanggang nakatakas ang mga nanglalaban sa loob kasama ang lahat ng naroong mga prayle. Ang himpilan ng mga sibil ay sumuko namang nagkataon pinapasok ng mga naghihimagsik ang asyenda.

Ang masigla't walang lagot na sigawan ng madlang: Mabuhay ang Pilipinas!, Mabuhay ang mga Anak ng Bayan!, dahil sa mga tagumpay na natatamo, hangan sa mga sandaling yaon, ay umalingawngaw hanggang sa kasuluk-sulukang pook ng lalawigan; kaya wala pang isang linggo noon at ang karamihan sa mga bayan, matapus pasuking ang mga bantay na sibil sa kani-kanilang pook, ay nagsianib sa Sangguniang-bayang Magdiwang ang iba, at ang iba nama'y sa Sangguniang-bayang Magdalo. Mula nga noon ay nahulog ang buong lalawigan ng Kabite sa kapangyarihang naghihimagsik, maliban ang pangulong-bayan at ang San Roque, La Caridad at Carmona, saka ang himpilan ng mga kawal na impanteryang pangdagat sa Binakayan na sakop ng Kabite el Viejo at ang sa guardiya sibil sa pook ng Carmen (Puting Kahoy) na nasasakupan ng Silang.

13. —Mga sandatang ginamit ng Lalawigan. — Ang mga himpilan ng guardiya sibil na nakuha ng mga naghihimagsik, ay ang sa Nobeleta, na siyang pangulong-bayan noon ng mga sibil sa boong lalawigang Kabite, ang sa San Francisco de Malabon, Buenavista, Kintana, Naik, Polangui, Magallanes, Alfonso, Silang, Paliparan at Imus, at sa pamamag-itan ng mga baril at punlong nasamsasn sa mga naturang himpilan at saka sa ginawa ng mga naghihimagsik na mga lantakang binilibiran ng kawad ng telegrapo at saka sa mga kampanang tinunaw sa maestransa sa pamamahala ng insik na binyagang si G. Jose Ignacio Pawa, sa Imus, at ng isang Pilipinong taga-Maynila, sa San Francisco de Malabon, ang Lalawigan ay nakapananggol laban sa paglusob ng mga Kastila mula sa una pang kilusan ng paghihimagsik hangga noong mga unang araw ng Hunyo ng 1897 na ikinabalik ng buong lalawigan sa kapangyarihang kastila.

14. Mga bihag na Kastila. — Lima katao ang nabihag na mga kastila: Fr. Eckavarria (Agapito Echegoyen), kura sa Amadeo; Fr. Piernavieja, naging kura, matagal pa bago maghimagsik, sa San Miguel de Mayumo, Bulakan, na pumatay ng dalawa sa kanyang mga alila; isang prayleng di nagmimisa kundi tagapangasiwa ng asyenda sa Buenavista (San Francisco de Malabon); isang kabo ng guardiya sibil at isang paisanong namuhatan sa Maragundong. Lahat sila'y matagal na naging bilanggo sa bahay-paaralan ng San Francisco de Malabon sa ilalim ng pamamahala ng guro, at pagkatapus ay nalipat sila sa himpilan ng Buenavista at mula rito'y sa Naik naman at sa kapamahalaan ng tinatawag na gobernador doong si G. Andres Villanueva. Ang mga bihag na ito, matapus ang paglilitis na ginanap nina GG. Santos Nocon (Duhat) at Teodoro Gonzalez, hukom at kalihim, na inilagay ni G. Andres Bonifacio at ng buong Sangguniang-Bayang Magdiwang, saka ang guro sa paaralan na siyang gumanap ng pagka-tagausig, ay pinagbabaril sila sa pag-itan ng Naik at ng Maragundong nang isa sa mga araw ng unang kalahati ng Marso, 1897, sa harap at sa pamamahala ng Ktt. Pang-ulo ng Katipunan, ng ' Ministro de Fomento" ng Sangguniang-Bayang Magdiwang, G. Emiliano Riego de Dios, at ng tinurang G. Andres Villanueva. Ilan ang mabibigat na pagkakasalang laban sa kanila'y pinag-usig, kasama na rito ang pagkakabitay sa mga paring Burgos, Gomez at Zamora at ang pagkakabaril kay Dr. Jose Rizal.


15. —Pagbabago sa dalawang Sangguniang- Lalawigan.— Pagkatapos malinis sa mga guardiya sibil ang ilang mga bayan, ay nagpulong ang mga pinuno ng paghihimagsik, at dito'y pinagtibay ang pagtatatag ng mga Sangguniang-Lalawigan. Ang Sangguniang bayang Magdiwang ay binuo ng mga sumusunod na ginoo:- G. Mariano Alvarez, Pangulo; G. Pascual Alvarez, Kalihim Pangkalahatan; G. Emiliano Riego de Dios, (Magpuri), Kagawad sa Pagpapaunsad: G. Mariano Trias Closas, Kagawad ng Biyaya at Katarungan; G. Ariston Villanueva, Kagawad-Digma; G. Diego Mojica, Kagawad sa Kayamanan; G. Santiago Alvarez, Pang-ulong-Digma sa buong lupaing sakop ng Magdiwang; G. Mariano Riego de Dios at mga Heneral ng Brigada.

Ang Sangguniang Lalawigan sa Kavite Viejo ay itinayo sa gayon ding kaparaanan at bilang sa mga bumuo nito sina:- G. Baldomero Aguinaldo, Pang-ulo; G. Candido Tirona, Kalihim-Digma; G. Cayetano Topacio, Kagawad-Kayamanan; G. Emilio Aguinaldo, Pang-ulong-Digma sa buong nasasakupan ng Sangguniang Lalawigang Magdalo; G. Edilberto Evangelista, Teniente Heneral; G. Vito Belarmino at G. Crispulo Aguinaldo, mga Heneral ng Brigada; G. Tomas Mascardo, G. Mariano Noriel, G. Pantaleon Garcia, G. Agapito Bonzon, G. Pio del Pilar, G. Marcelino Aure (Alapap,) mga koronel, mga komandante at mga kapitan. Pinagkasunduan din sa tinurang kapulongan ang paggamit ng mga sadyang kasuutan ng lahat ng mga pinuno ng Panghihimagsik mula sa kataas-taasan hanggang kababa-babaan. Ang mga sagisag sa gora ng Pang-ulo ay ganito;

Isang araw na nakapatong sa puti at may mga sinag na ginto at sa gitna'y isang K na ang ibig sabihi'y kalayaan, at saka tatlong titik, na A. N. B. na nagkakahulugang Anak ng Bayan. Sa dalawang magkabilang kamao ng manggas ay may isa pa ring sagisag na katulad ng huli. Ang mga Kagawad ay nagtataglay rin ng sagisag na kaparis ng sa Pang-ulo, subalit wala nga lamang titik na A. N. B. Ang mga liston sa kamao ng mga Kagawad, gayon din ang K ay magkakaiba-iba ng kulay, sang-ayon sa Kagawarang kani-kanyang hawak, at alinsunod dito'y pulang K ang sa Kagawad-Digma na nakapatong sa puti at pula rin ang mga liston, samantalang ang sa Pangulcng-IHukbo ay kaparis din ng sa Kagawad-Digma, na isang araw sa gora at isa pang araw sa kaliwang panig ng dibdib, at wala sa mga kamao. Ang sagisag ng mga Heneral ng Brigada, mga Coronel, Komandante at Kapitan ay ang nasasaad sa mga larawang 2, 4, 5, at 6. (Wala ang mga larawang ito sa sipi naming pinagkunan.)

Ang mga larawang 3, 4 at 5 na napapatong sa puti at mga titik na pula pati ng kurus sa gawing kaliwa ng dibdib, at ang 6 na may tatlong listong pula at patungang puti, ay ginamit ng mga Kapitan, sa paraan ang mga naturang liston ay pahalang sa mga kamao. Ang mga sagisag na ito'y inalis sa Naik, nang pairalin na ang pinagkaishian sa Kapulungang ginanap sa asyenda ng Teheros (San Francisco de Malabon) noong isa sa mga unang araw ng Marso ng 1897, gaya ng mapagkikita sa ulat ding ito, at pinagpapalitan ng mga iba, na ilang dito'y mapagkikila sa mga larawang sumusunod; (Wala ring nito sa sipi)

Ang larawang 7 ay para sa Heneral, ang 8 ay para sa Heneral din, ang 9 para sa Komandante. Lahat ng galon ay pula may iba lamang kulay ang patungan, ayon sa pangkat ng hukbong kinabibilangan.

16—Mga bayang nasasakupan ng bawat isang Sangguniang-Lalawigan. — Ang mga bayang nasaklaw ng nabagong S. B. Magdiwang ay yaon ding napapaloob sa unang sonang nasasaad sa ika-3 na talata ng ulat na ito. Ang mga bayang Amadeo at Mendez Nuņez, sang-ayon sa kahilingan ng mga kapanig sa S. B. Magdalo at sa pagkatig ng mga naninirahan sa mga naturang bayan, ay nangapabilang sa Sangguniang Lalawigan ng Cavite el Viejo. Ang S. B. Magdiwang ay nakasakop ng lalong maraming bayang magsasaka ng lalawigan, pagkat nakuha ng S. B. Magdalo ang mga napapaloob sa ikalawang sona sa talataan ding ika-9, o kaya'y ang mga bayang Cavite el Viejo, (Kawit), Bakood, Imus, Perez Dasmarifias, Silang, saka ang dalawang bayang napalipat sa kanya at sa huli'y ang bayan pa ng Talisay na dating sakop ng lalawigan Batangan. Nangapabilang din sa Mlagdiwang ilang buwan lamang noon ang Nasugbu, Tuwi at Look na dating sa Batangan, at tuloy nginalanan ang Nasugbu, mula noon, ng Magpuri.

17. —Ang lakad ng mga Sangguniang Lalawigan.— Ang dalawang Pamahalaang ito ng Panghihimagsik ay lumakad nang buong kahusayan sa pamamatnubay ng isang magiting na pag-ibig sa tinubuang-lupa, nang walang ibang tunguhin kungdi ang layang ikinalikha ng Katipunan; kung kaya, ang anomang nagiging kakulangan ng isa, ay napupunan ng isa, at kahit saang dako magipit ang isa sa pakikilaban, ay patakbong sinasaklolohan ng isa; ngunit napakapait alalahanin ang nangyari nang dakong huli, palibhasa, samantalang napapalapit ang pagtatapus ng taong 1896, ang dalawang Pamahalaang iyan ay walang abug-abog na nagwalaang-bahala kapwa sa mga pangangailangan at kapahamakang inaabot ng isa, hanggang sa sila'y nagtatanimang unti-unti, at lumala nang lumala hanggang sumapit ang sandaling muntik nang ipagbaka ng nga magkakabayan din. Ang ganitong inanyo ng dalawang pamahalaang iyan ng Panghihimagsik ay maliwanag na napagkilala nang ganapin ang pagpupulong sa Teheros at lalo na nang tanggapin ang tungkol ng mga nahalal sa pulong na yaong sina GG. Emilio Aguinaldo, sa pagka-Pang-ulo ng Republika Pilipina; Mariano Trias Closas, sa pagka-Pangalawang Pang-ulo, at Artemio Ricarte sa pagka-Kapitan Heneral, na idinaos naman sa kombento ng Santa Cruz de Malabon noong gabi ng sumunod na araw sa pagkaganap ng pulong sa Teheros, gaya ng ating makikita sa ibang bahagi ng ulat na ito.


18. — Mga pagpapabaril.— Nang kalahatian ng Setyembre ng 1896, ay binaril ang kapitan munisipal ng Fan Francisco de Malabon, na si G. Eugenio Viniegra sa utos ng Sangguniang-Lalawigan ng Nobeleta na ang tumupad ay si G. Santos Nocon, Pang-ulo ng Sanggunian-Balangay sa naturang bayan. Ilan ang pinagusig na pagkakasala laban sa naturang kapitan munisipal ng kanyang mga kaaway namanghihimagsik: Na ang nabanggit na Viniegra ay masugid na kalaban ng pakikianib sa Katipunan at sa gayo'y tahas na kaaway ng dakilang layon; na noong ika-31 ng Agosto ay tinangka niyang ipabaril ang guro sa paaralang bayan, pagkakasalang sinaksihan ng isang babaing si Binibining Clotilde Portilla; at saka ang marami niyang mga kamag-anakan ay hinihimok na huwag makipanig ni makitulong sa mga naghihimagsik. Sa pagbaril sa kanyang ginanap sa tabi ng libingan ng bayan, ay kaharap, ang Kagawad ng mga Biyaya at Katarungan, G. Labong, saka ang paring si G. Manuel Potenciano Trias, na siyang pinangkumpisalan ng nahatulan. Sa Imus ay mayroon ding isang binaril sa atas ng Sangguniang-Bayang Magdalo at ang nahatulang ito'y ang kapitan ng mga kuwadrilyero sa bayang iyon na kilala sa tawag na kapitang Poro; ito'y hindi namatay sa punlong tumama sa kanya, kundi nasugatan lamang ng malubha sa itaas ng baywang, gawa ng naturang punlo, na pumasok sa likod at lumabas sa may tagilirang kanan. Tulad din sa nauna, ito'y pinag-usig sa pagkakasalang siya'y kaaway ng Katipunan, at dahil pa sa pagtulong niya sa mga kalabang nagsanggalang ng pangatawanan sa bahay-asyenda ng mga prayle sa Imus. Ang ginanap na kahatulang ito sa mga taong litaw sa mga bayang nasabi na, ay ikinasugpong lubos, sa loob ng Pamahalaang Naghihimagsik, ng mga pagnanakawan at katampalasanang napakalimit mangyari sa lalawigan yaon sa ilalim ng Pamahalaang Kastila.

19. Ang mga kurang prayle at ang mga asendero. — Samantalang ang mga katipunan ng dalawang Sangguniang-Lalawigan, ay nagsisilusob sa mga himpilan ng mga guardiya sibil na di pa nagsisisuko, gaya ng sa Buenavista (S F. de Malabon), at iba pang maraming nagsisipagtanggol sa mga bayang nasabi, laban sa mga abuloy na kawal kastilang nagsisilusot sa iba't ibang dako, paris ng nagbuhat sa Kintana (Santa Cruz de Malabon), na binaka ng mga kabig ng Mapagtiis sa pook ng Pasong Malaki, kalapit ng S. F. de Malabon at Sta. Cruz, na ikinapatay sa sarhento ng mga kawal kastila; at samantalang ang pulutong ng tenyente ng guardiya sibil ng Naik ay kinabaka mula sa Rosario hangang Nobeleta, na ikinapatay dito sa huli sa pinuno at ilan sa kanyang mga kawal; samantalang ang pangkat ng impanteryang-pangdagat na nagbuhat sa Kabite, ay kinakalaban ng mga kawal ng Panghihimagsik mula naman sa himpilang sibil sa Nobeleta, na nakuha ng mga katipunan ng sinundang araw lamang, pangkat na matapus mapaurong ay kinasamsaman pa ng ilang mnga baril na mauser, bagay na lubhang ikinagalak ng mga naghihimagsik, sa dahilang noon pa lamang sila nakakita ng gayon yaring baril; at sa huli'y, samangtalang ang kagulat-gulat na pangkat ng komandante Aguirre, na galing Maynila at sa mabilis na pagkakapaglagos sa mga bayang Palanyag at Las Pinias, ay nakuhang walang laban ang Bakood, kayat matuling nakapagpatuloy noon din sa Imus, ay kinakalaban ng boong higpit ng mga katipunang nahihimpil sa bahay-asyenda na pinangunguluhan ni G Emilio Aguinaldo, at ang naturang Aguirre, ay di lamang napaurong kungdi hinabol pa ng mga naghihimagsik hanggang sa tulay ng Las Piņas, at sa tabi ng tulay na ito kinakitaan ng maraming bangkay ng matatanda, bata, babai, lalaki; - samantalang - ang lahat ng ito'y nangyayari, - aking inuulit, - bukod pa ang ilang maliliit na bagay sa mga bayan-bayan,- sina GG. Francisco Valencia naman, kapitan munisipal ng Santa Cruz de Malabon, Jose del Rosario, at ang kapatid nitong Valeriano del Rosario, parmaseutiko at butikaryo sa bayan ng Rosario, Juan Cailles, guro sa paaralang nayon ng Amaya (Sta. Cruz de Malabon), Cesareo Nazareno, naging gobernadorsilyo ng Naik, at iba pa, ay nagsisigawa ng mga paraan, upang matulungan sa pag-alis sa lalawigan ang mga kura paroko, kasama ng mga prayleng tagapangasiwa ng mga asyenda, gayon din ng sa Santa Cruz at Teheros na si Fr. Torcuato Palomo. Ang mga tinurang prayle'y nagsilulan sa isang bangka na sinamahan pa ng mga Pilipinong nasabi, upang magsipagtungong Korehidor. Ngunit dahil mandin sa pagkaalala sa kanilang mga anak na maiiwan, o kaya nama'y dahil sa utos ng kanilang mga among na prayleng kasama, ay nagsitalon sa tubig, upang makapagbalik ng langoy ang mga Pilipinong nasabi na, pagkat malayo na rin ang nararating ng kanilang bangkang sinasakyan; at salamat sa kadiliman ng gabi, at sa pag-uulan, palibhasay Setyembre noon, ay nangakaowi rin sila sa kani-kanilang bahay na di namalayan ng madla; gayon ma'y napagtalastas din ng mga naghihimagsik ang nangyari; kung kaya ang mga yao'y kinabigatan ng dugo, matangi si Cailles na natutong manuyo at nakapagtamo naman ng pagtingin nina GG. Mariano Alvarez at Santiago Alvarez, na silang tumanggap sa kanya sa sinapupunan ng Katipunan at siya'y inihalal tuloy na Koronel ng hukbong naghihimagsik, tungkulin na inalis sa kanya ng Kagawad-Digma na si G. Ariston Villanueva, pagkatapus ng pagsalakay sa bayan ng Liyang, Patangan, dahil sa di tumpak na ginawi ng Koronel sa labanang yaon, at dahil pa sa pagkatuklas sa kanyang kamay ng maraming ari-arian ng mga prayleng asendero na ayaw niyang ibigay sa pamamahala ng Sangguniang Lalawigan ng Nobeleta. Si Cailles pagkatapus ay napapisan din sa hukbo ng Kapitan Heneral ng Pamahalaan ng Magdalo, na si G. Emilio Aguinaldo, at siya niyang pinagpahayagan ng mga pangyayaring tiwali sa katotohanang nasasaad sa ulat na ito, bagay na kapinsa-pinsala sa kapurihan ng mga nagligtas sa kanya, sa kapootan ng mga taong-bayan laban sa buktot na kagagawan ng rin ng Cailles. Si G. Julian Lopez at iba pang taga-Naik ay gumawa rin ng gayong pagtulong sa mga prayle, katulad ng ginawa nina Cailles na pagkakalinga sa tiga kaaway ng bayang Pilipino, at nagbalatkayo sila, ng kasuutang banal na banal.

Ikalawang Bahagi

Bumalik sa Unang Pahina