Simula Prologo Santa Clara San Pascual Salambao Bagong Sigla Anyo Epilogo Iba pa PDF version Guestbook Yamagata Credits: Patnugot: R. delos Reyes HTML: E. de Guzman Larawan: J. Lozano |
Makalipas ang ilang taon, noong ika-19 ng Hunyo, 1763, isa na naman patron ang nadagdag sa simbahan ng Obando na siyang bumuo sa trianggulo ng mapagpala. Dalawang mangingisda, sina Juan at Julian de la Cruz- ang di-kaginsay-ginsay nakalambat ng imahen ng isang birhen sa kanilang salambao sa may parteng Huling Doong sa nayon ng Binoangan, Tambobong (Malabon). Ayon sa alamat, nang ang imahen ay dadalhin sa Navotas, ang salambao ay bumigat at hindi makausad. Subalit nang ito ay dadalhin patungong Obando, ang salambao ay madaling naiusad. At mula noon ang imahen ay idinambana sa simbahan at napasama bilang pangatlong patron ng nasabing bayan. Sa hindi inaasahang pagkakatugma ng pagkakataon, ang pangatlong patron, ang Immaculada Concepcion na tinaguriang Birhen ng Salambao ay nababagay din na maging patron ng mga di-magkaanak. Ang kanilang pinagkakitaan ay dagat na sumasagisag sa pinagmulan ng buhay. Bukod dito, ang pagkakasama ng Birhen ng Salambao sa trianggulo ng mga patron sa Obando ay nagbadya ng simula ng pagkalat ng pagpaparangal sa Mahal na Birheng Maria sa nasabing bayan. Sa madaling sabi, ang Obando ay napabilang na sa mga bayan sa Pilipinas na nagpapahalaga sa katayuan ng Mahal ng Birheng Maria sa kabuuang ng paniniwalang Kristiyanismo. Ang Birhen ng Salambao, sa tinagal-tagal, ay naging patron ng mga mangingisdang taga-Obando. Nitong mga nakaraang taon, ang birhen ay isinama sa taunang PISTA NG KRUS na idinaraos sa ilog ng San Pascual at Hulo kung buwan ng Hunyo. Sa ganiting paraan, ang Birhen ng Salambao ay nabigyan ng tumpak na pagdiriwang na naaangkop sa kanyang kasaysayan at maging sa kanyang katauhan (image). |